UMALIS na rin sa poder ng Star Magic ang aktor na si Jairus Aquino. Ang Viva Artists Agency (VAA) na ang bagong manager ngayon ni Jairus.
Tumagal din ng 15 taon sa Star Magic si Jairus, doon na nagbinata at nakagawa rin ng maraming proyekto kaya aminadong nalungkot siya na iwanan ang dating tahanan.
“Medyo nakakalungkot kasi talagang tahanan ko yon, naging pamilya ko rin naman sila, pero yon nga, kailangang mag-move forward,” ani Jairus nang makausap namin siya sa virtual presscon ng Viva pagkatapos ng contract signing.
“Wala naman akong naramdamang sepanx (separation anxiety). Hindi naman mahirap, pero sobrang nakakalungkot din naman po kasi ang haba din naman po ng pinagsamahan namin. I’m very much grateful with them din naman po kasi binigyan din po nila ako ng maraming opportunities somehow,” patuloy ng 22-year-old actor.
Ayon pa kay Jairus, matagal din niyang pinag-isipan kung lilipat ba talaga siya ng management o mananatili sa Star Magic.
Lahad niya, “Siguro po, na-realize ko na 15 years (with Star Magic) is really good enough for me to move forward, to explore more opportunities for me. Kasi naisip ko na parang di naman na po tayo bumabata, ang oras hindi naman po ganun kabagal, so sabi ko kailangan na talagang mag-move forward.
“Pero kung merong opportunities to work with ABS-CBN again, why not? Bakit hindi?”
Ibinahagi rin ni Jairus kung ano ang naging take away niya habang nasa Star Magic na dala-dala niya ngayon sa bagong chapter ng career niya.
“Natutunan ko sa Star Magic yung maging responsible and discipline in terms of work ethics. Yon din po siguro yung madadala ko. Na kailangang maging disiplinado sa lahat ng oras at responsible sa lahat ng mga actions ko.
“Kasi, siyempre you’re an influencer din, everybody looks up to you kaya you need to be responsible with the things that you do. Siguro yon po yung mga madadala ko from Star Magic,” sabi pa niya.
Umaasa naman si Jairus na mababago na ang kanyang image at mabubura na sa image ng mga tao na isa siyang child star ngayong nasa Viva na siya.
“I’m expecting na talagang makakalas na somehow doon sa teeny bopper na image kahit papaano. Kahit paano po sana mature na roles na yung mga gagawin ko.
“Minsan mas nadidikit pa rin po kasi sa akin ang child star. Okey lang, walang problema, pero somehow, makita lang sana nila yung different type of Jairus na puwede nilang makita o mapanood,” deklara pa niya.
Balak din ni Jairus na sumabak sa action films kung mabibigyan ng pagkakataon.
“Ang gusto ko po talagang gawin ngayon is action, yung mala-John Wick na action. Hindi yung overload na action.
“When you see John Wick action or Denzel Washington movies, it’s just clean action scene. Yon po yung gusto kong gawin para makita ding may ibang touch yung Pinoy when it comes to watching films or teleserye,” excited at huling pahayag ni Jairus.