BLIND ITEM: MONDAY lang ito nangyari. Isang young actor ang may cameo role sa isang pelikula. Pinaghandaan ang kanyang paglabas, dahil siyempre, sikat si young actor ngayon. Ang role niya sa pelikula ay isang angel.
Pero dahil hunky-hunky naman at papalicious namang talaga ang kanyang dating, kailangang makita ang kanyang katawan, kaya may pakpak siya, pero naka-topless. So, naka-pants pa rin siya no’n, ha?
‘Eto na. Nu’ng malaman ng bagets na magta-topless siya, tumanggi siya. Puwede naman daw nakasando, ba’t kailangang mag-topless? Sa loob-loob ng mga staff, “Juice ko po, kung ganyan lang kaganda ang katawan namin, pinagbanduhan namin ‘yan, ‘no! Ang ganda-ganda ng katawan, ba’t mahihiya?”
Pinilit din ang bagets, pero nakikiusap ito na ‘wag nang mag-topless. Nakarating ito sa direktor. “Ah, ayaw ba niyang mag-topless? Sige, sabihin n’yo sa kanya, umalis na siya at hindi ko siya kailangan sa pelikula ko.”
Nakarating din ito sa bida, “Nako, ha? Ang daming nagkakandarapang mag-guest sa pelikulang ito, tapos, siya, hindi naman magpapakita ng nota, nag-iinarte nang ganyan? Kumuha na lang tayo ng iba. Ang daming artistang walang trabaho, ‘yun na lang ang kunin natin!”
‘Eto na ang eksena sa tent (‘yung pinaka-dressing room), pumuputok na ang labi sa kakakagat sa tensiyon at hiya ang bagets. Hindi alam kung ano ang gagawin, dahil parang pusang ‘di maihi sa nerbiyos na baka pag nakita pa siya lalo ni directed by ay makarinig siya ng maaanghang na salita.
Kami naman, ang inisip namin, hindi kaya feeling ni bagets ay may konti pa siyang fats or may sugat siya somewhere sa kanyang body, kaya ayaw niyang mag-topless that time? Kung gano’n, sana, inamin na lang niya, kesa umarte pa ng gano’n, ‘di ba?
Hay, naku… kung totoo man ito, positive pa naman ang nangyayari sa kanyang career kahit pa negative ang kanyang name. Sana lang, makabawi ang bagets na ito bago siya maikasal.
NAKAKALOKAH SA TWITTER. Nabalita kasi na muntik nang magsapakan sina Jake Cuenca at Jason Abalos, mabuti’t naawat ni Coco Martin, kaya hindi sila nagpang-abot. Nangyari ito sa isang bar sa Davao. Ewan kung ano ang pinag-awayan nila.
Pero ang twitter world talaga ay may “sariling mundo.” Kung anu-anong ispekulasyon ang pinalulutang ng dahilan ng kanilang away. Kesyo ang pinag-awayan daw ay “booking.” May booking sa babae. May booking din daw sa bading.
Ha-ha-ha-ha! Anyway, ang importante, nagkaayos na silang dalawa. Iba talaga ‘pag may espiritu ng alak, ‘no? ‘Wag nang iinom kung hindi rin lang kayang dalhin ang sarili.
Alalahanin ng mga artistang ito na meron silang reputasyon at career na dapat alagaan bago sila gumawa ng mga kagagahan.
MUKHANG PROMISING ANG My Amnesia Girl nina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz. Kapag kinabog nito sa takilya ang Miss You Like Crazy nina Lloydie at Bea o ang A Very Special Love nila ni Sarah Geronimo, ‘yun na. Si John Lloyd na talaga ang isang young actor na kahit kanino ay puwede nang itambal.
Mahirap kasi minsan ‘yung identified ka sa isang leading lady, eh. Ang tendency, hindi ka na makakawala. ‘Pag nag-iba ka naman ng leading lady, ‘yung mga fans naman ang magagalit. Kaya tama lang ang takbo ng career ni John Lloyd.
At ‘pag tumabo ito sa takilya starting today, good riddance ang pagkaka-shelve ng movie nina Toni at Robin Padilla.
Sabi nga ni Mariel Rodriguez, “Tamaaaa!”
‘Wag n’yong kalilimutang makinig palagi sa “Wow! Ang Showbizz” sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12nn with Ms. F, Rommel Placente and Francis Simeon.
Oh My G!
by Ogie Diaz