KAALIW lang ang title ng isang showbiz item na lumabas sa isang popular blog na kamakailan lang ay nakabangga ng isang komedyana. Kinasuhan daw kasi ni Jake Ejercito si Andi Eigenmann.
Sabi sa title, “Jake Ejercito has filed a court case against Andi Eigenmann for joint custody and visitation rights over their common child, Ellie”.
Muntik na kaming mahulog sa kinauupuan namin nang mabasa ang istorya. Sabi namin, “Is this some kind of a joke?”
Sa title pa lang nalito na kami. Sa kabuuan ng istorya, malinaw na ang kaso ay tungkol sa “joint custody and visitation rights” na hinihiling ni Jake para sa anak nila ni Andie na si Ellie. Wala rin kaming nabasa na idinedemanda ni Jake si Andi sa kung anumang kaso.
Ayon sa kuwento ng blogsite, napuno na raw na si Jake sa patuloy na pagtanggi ni Andi na regular na makita at makasama ang kanilang anak. Umabot na nga raw si Jake sa sukdulan nang sinadya umano ni Andi na hindi ipaalam sa kanya ang totoong petsa ng graduation ni Ellie kaya sobra raw siyang nadismaya at hindi nakadalo sa graduation ng anak.
May alegasyon din si Jake ng umano’y hindi magagandang impluwensiya kay Ellie, tulad ng pag-stay umano ng “lovers” ni Andi sa kwarto ng anak kapag nagpupunta ito sa condo ni Andi, at mga “extended out of town trips” ni Andi “with her lovers” karay-karay si Ellie.
Medyo nakalilito lang ang ganitong mga alegasyon kung ang hiling lang ni Jake sa korte ay joint custody at visitation rights kay Ellie.
Patutunayan mo lang naman kasi na “mas mabuti kang magulang” kumpara sa isa pang magulang ng bata kung “sole custody” ang habol mo. At hindi mo rin ‘yan mapatutunayan sa pamamagitan ng paninira sa isa pang magulang ng bata.
Sa palagay namin, mas madaling mapagbibigyan ng korte ang hiling ni Jake kung hindi sila nag-aaway o nagsisiraan tulad nito. Na maipapakita nila sa korte na nagkakasundo sila para sa kapakanan ng bata.