OLA CHIKKA now na! Oh, no… oh, yes… now na! More chikka, more fun na naman tayo! Lapak! Usmak! ‘Yan ang tawag ko sa mga taong hindi ko feel. Tanong po n’yo sa mga Bicolano kung ano ang ibig sabihin n’yan. Kasi, ilang araw na akong gigil sa isang taong walang magawa, kundi ang makipag-away at magdemanda.
Medyo ibahin naman natin ang pag-uusapan natin. Medyo good side sa showbiz. Kasi, noong Sabado ng gabi na inabot na ng Linggo ng umaga, nanood ako ng Walang Tulugan with the Master Showman ni Kuya Germs. Sabi ko sa sarili ko, nabuhay na ang lalaking Nora Aunor. Kasi, nasa kanya ang katangian ng isang superstar.
Hindi nagkamali si Kuya Germs na tutukan ang kanyang career, tulad noong pagtutok niya kay Nora Aunor noong nag-uumpisa pa lang. Hanggang nagyon, talagang walang tigil pa rin siya kay Nora sa pagsuporta. Nakita ko rito sa bata ang kanyang personalidad na magalang, walang ere kahit na medyo sikat na at talagang tinitilian, mapagkumbaba at marespeto. Ang nakakatuwa rito, kasi laging nakangiti, at mahal siya ng mga kasama niyang talents sa show.
Nakakatuwa ang mga talent ni Kuya Germs, kasi marami akong nakikitang potential na may ibubugang talento. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin maalis sa akin ang humanga sa mga talento tulad ni Nora Aunor, at ang sinabi kong lalaking Nora Aunor, walang iba kundi ang alaga ngayon ni Kuya Germs na si Jake Vargas.
Masuwerte ang batang ito, kasi kilala ko si Kuya Germs na halos 90% ng mga artistang nakikita mo sa TV, maliban sa mga galing sa talent search (nauso kasi ito nang mawala ang That’s Entertainment), halos lahat gumawa ng pangalan. Isa na d’yan si Isko Moreno na dating alaga rin ni Kuya Germs na ngayon ay vice-mayor na ng Manila.
‘Pag galing kayo kay Kuya Germs, it must be good! Kaya nakikita ko rito kay Jake Vargas na malayo ang mararating nito. Kasi kahit sino ang kapareha, tanggap ng tao, parang si Nora Aunor, kahit nabuwag na ang Guy and Pip, kahit sino ang kapareha, patok.
Kaya hangad ko sa batang ito ang tagumpay, kahit hindi ko pa siya nakikita nang personal. Napupulsuhan ko na malayo ang mararating nito. Kasi masunurin at nand’yan si Kuya Germs na nakaalalay sa kanya.
Ito ang tanging maiaambag ko sa kanya sa kanyang birthday, ang mabigyan ko ng puwang dito sa aking column, ang bigyan ng pagpapahalaga ang tulad niyang may maaasahan kang talento, at hindi nakapanghihinayang na suportahan.
Naaalala ko nga ang That’s Entertainment na halos lahat ng talento ay namamayagpag pa rin ngayon sa pelikula at telebisyon, maging sa larangan ng pulitika. Bakit kasi hindi ibalik ang ganitong paghubog ng mga talento na talagang marami ang natututuhan? Kasi nga naman on air nakikita mo ang kanilang talento.
Natutuwa naman ako kay Kuya Germs na kahit madaling-araw ang kanyang show ay marami pa rin ang tumatangkilik at natutuklasang talento tulad ni Jake Vargas. Dapat si Kuya Germs, balang araw ay hirangin na rin itong National Artist, dahil tunay na star builder.
Kudos, Kuya Germs! Isa ka sa dapat ipagmalaki sa showbiz at karespe-respeto. Dati nagtampo ito sa akin, kasi maraming nagparating sa kanya ng kung anu-anong negang balita. Isa lang ang masasabi ko, kung mayroon akong taong dapat igalang at irespeto, isa na diyan ang Master Showman na si Kuya Germs.
Again, to Jake Vargas, happy birthday, at ituloy mo lang ang magandang ipinapakita mo sa mga tagahanga mo, isa na ako, na nagsasabing nabuhay na ang lalaking Nora Aunor. Say mo?!
BLIND ITEM: Sino siya? Sino naman kaya itong actor na ito na kaya matagal nawala sa showbiz ay dahil sa ibang bansa pala ito nagtrabaho?
At take note, nakulong daw ito roon dahil naging dealer pala ito ng casino. At nakakaloka naman dahil may isyu raw kasi na nandaya ito roon sa casino.
Nakakawindang naman! Kaya pala almost matagal na siyang hindi natin nakikita. Sayang, magaling pa naman ito at pogibels pa. Pero buti na lang at okay na rin siya sa ngayon. Pak na pak naman kasi. Clue: naging asawa ito ng aktres na tinusuk-tusok ng payong. Hahaha!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding