PATINDI NANG patindi ang mga tagpo sa top rating show na Buena Familia sa pagpasok ni Kristoffer Martin bilang ka-love triangle nina Julie Anne San Jose at Jake Vargas.
Maalalang nakatrabaho na rin at naging magka-love team sina Julie Anne at Kristoffer sa GMA Teleserye na kanilang pinagsamahan. Kaya naman at ease na ang mga ito nang magkasamang muli sa Buena Familia.
Samantalang nakatrabaho naman ni Kristoffer si Jake sa Tweenhearts kaya naman wala na ring adjustment na naganap dahil magkaibigan ang mga ito sa loob at labas ng showbiz. Bukod pa sa pareho silang taga-Olongapo.
Hiro Peralta, kinakabog ang dibdib kapag kaeksena sina Gladys, Kris Bernal, Kempee de Leon, at Nora Aunor
AWARE DAW ang pinakabagong leading man ng Kapuso Network na si Hiro Peralta na kinakabog pa rin ang kanyang dibdib sa tuwing makaeeksena sina Gladys Reyes, Kempee de Leon na pumapapel na kanyang magulang sa Little Nanay, at sa nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
Kuwento nga ni Hiro, “Hindi ko talaga maiwasang kabugin ang dibdib ko sa tuwing makaeeksena ko sina Ate Gladys, Kuya Keempe, at Ms Nora Aunor. Alam naman natin na matagal na sila sa industriya dahil na rin sa husay nilang umarte. Kaya nga sinisugurado ko na ready ako sa tuwing may taping kami at kaeksena ko sila.”
At may kabog din daw sa dibdib si Hiro kapag kaeksena si Kris Bernal na siyang leading lady nito, dahil alam daw nito na isa si Kris sa mahusay na aktres sa bansa.
Yna Magenda puwedeng sumunod sa yapak ni Vice Ganda dahil sa husay mag-host at magpatawa
ISA SA maipagmamalaking artist ng SMAC Network ang baguhan pero very promising at napakahusay na komedyante na si Yna Magenda na una naming napanood sa Grand Finals ng Choreographers Questor (Dance Battle) kamakailan.
Hindi nga namin mapigilang matawa sa mga binibitawang jokes na idinidikit nito sa kanyang hosting na kahit ang mga taong naroroon ay talaga namang tumatawa.
Napaka-natural comedian nito na hindi na kailangang mag-effort nang bonggang-bongga para makapagpatawa lang. Kaya naman daw hindi na kami nagtaka nang ikuwento ng big boss ng SMAC na si Mr. MJ na kinuha ito at binigyan ng sariling show ng Viva sa kanilang Cable Channel.
Hindi nga malayong dumating ang araw na matutupad ang pangarap ni Yna na sumikat, katulad ng kanyang idolo na si Vice Ganda, dahil bukod sa mahusay itong komedyante, napakaganda pa ng PR nito na marahil ay namana niya sa mga namamahala ng SMAC sa pangunguna nina Mr. MJ, Coach Zen, Ms. Sandy, Rheks, at Ms. Thess.
John’s Point
by John Fontanilla