ISINAILALIM NA SA kustodiya ng Senado ang 60 precinct count optical scan (PCOS) machines na mula sa Antipolo City na kinumpiska sa bahay ng isang Smartmatic technician.
Kasama ang tatlong presidential candidates na sina Senador Jamby Madrigal, Nick Perlas at JC delos Reyes, at ilang Comelec personnel, sumama ang mga ito sa paghahatid sa Senate Building sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Bago dinala sa Senado, nagkaroon muna ng imbentaryo kung kompleto ang mga PCOS machines.
Ang Comelec en banc ay pumayag na ilagay muna sa kustodiya ng Senado ang naturang mga makina kasunod na rin ng pagtiyak ni Senate President Juan Ponce Enrile na pangangalagaan ito ng Senate Sgt.-at-Arms.
Samantala, batay sa alegasyon, dalawa umano sa 60 PCOS machines na nadiskubre sa bahay ng PCOS machine technician ang tatlong beses na nakapagsumite ng resulta ng halalan.
Nabatid sa isang konsehal sa Antipolo na ito’y base sa nakuha nilang impormasyon mula sa log ng mga makinang binuksan nitong Lunes.
Sinasabing nakapag-transmit pa raw ito ng resulta noong Mayo 9, May 10 at May 11.
Muling iginiit ng ilang konsehal sa lugar ang pagnanais nilang ipasailalim sa kustodiya ng Senado ang mga makinang natagpuan sa Antipolo City para magkaroon ng imbestigasyon.
Nauna rito, sinasabing pinag-aaralan na ng Commission on Elections ang isasampang kaso laban kina Madrigal, Perlas at De los Reyes dahil sa pakikialam umano sa mga PCOS machine na naunang inimbak sa Ynares Gym sa Antipolo.
Napag-alamang maaari lang buksan at pakialaman ang PCOS machines sa nakalipas na halalan kapag may utos mula sa Comelec, court order, o mula sa oversight committee ng Kongreso kapag may imbestigasyon. (Benedict Abaygar, Jr.)
Pinoy Parazzi News Service