Konti na lang daw ang ipaghihintay ng solid fans nina James Reid at Nadine Lustre, dahil sa August na raw mapanonood ang inaabangang bagong teleserye ng dalawa sa Kapamilya Network, ang “Till I Met You”.
Makasasama sa nasabing serye ng dalawa ang mahuhusay na aktres na sina Carmina Villaroel at Angel Aquino na balitang nag-pictorial na sa nasabing serye.
Balita pa namin na lahat daw ng makasasama ng JaDine sa kanilang next soap ay mga artistang hindi kasama sa “On The Wings Of Love” nang sa gayun daw ay hindi isipin ng mga tao na parang continuation lang ito ng hit serye ng dalawa.
Sa ngayon daw ay patapos na ang tour at bakasyon ng JaDine at ready na raw ang mga ito para sa pictorial at taping ng kanilang bonggang-bonggang soap.
Siglo Film Festival, gaganapin sa July 28 sa Robinson’s Starmill Pampanga
Magaganap ang kauna-unahang Siglo (Sine Gitnang Luzon Originals) Film Festival na hatid ng CLTV 36.
Ayon nga kay Mr. Jay Ar Hipolito (Siglo Executive Director), ang Siglo ay nabuo bilang suporta sa film industry lalo na’t nauuso na ngayon ang paggawa ng short films.
“Layunin din nito ang magbigay ng oportunidad sa mga estudyante mula sa iba’t ibang colleges and universities sa Central Luzon at maging sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas na ipamalas ang kanilang husay sa paggawa ng short film na kailangan ay tumatalakay sa Central Luzon.
“Meron kaming dalawang categories: ang Pinatubo Category na ang tema ng kanilang magiging short film ay kailangang naayon sa pagputok ng Mount Pinatubo; at ang Central Luzon Category na kailangan namang nauugnay sa Central Luzon ang tema ng kanilang gagawing short film?
“Bale tatlo ang napili mula sa Pinatubo Category, ang “June 15, 1991”, “Bulyus”, at “Tres”. Samantalang lima naman ang napili sa Luzon Category, ang “Pangarap Ko”, “Digpa Ning Alti”, “Krokis, Anak ng Demolisyon”, “Lumput” at “Hanggang Dito na Lang”.
Dagdag pa ni Jay Ar na magaganap ang one day free screening ng nasabing short films sa July 28, 2016 mula 10 a.m. hangang 2 p.m. sa Robinson’s Starmill Pampanga na susundan ng awarding ceremony ng sa ganap na 3 p.m. sa Robinsons Starmill Pampanga at mapanonood din ang lahat ng naging entries sa CLTV 36 (cable channel).
Magsisilbing hurado sina Jason Laxamana, Armando “Bing” Lao, at Rolly Palmes, at ang mga tao sa likod ng Siglo. Ang mga prizes para sa Pinatubo Category ay: 1st Best Film P25,000 plus DSLR Camera; 2nd Prize P20,000 plus GoPro Hero4; at 3rd Best Film P15,000 plus GoPro Hero Basic. Habang sa Luzon Category, ang mga mananalo ay tatanggap ng 1st Best Film P30,000; 2nd Best Film P20,000; at 3rd Best Film P15,000.
John’s Point
by John Fontanilla