HINDI na nga rin nakatiis si James Reid at pinatulan na ang alegasyon ng producer ng concert nila ni Nadine Lustre sa San Francisco, California, USA.
Matatandaang inakusahan ni Elaine Crisostomo ng Entablado Productions USA LLC ng pagiging “rude” o kagaspangan ng pag-uugali sina James at Nadine at ang kanilang entourage nang hindi siputin ng love team ang meet-and-greet sa kanilang fans sa pamamagitan ng isang brunch na isinet ng producer bago magsimula ang kanilang concert. Nagbayad ng $250 ang bawat fan na bahagi ng nasabing brunch (breakfast-lunch).
Ayon pa kay Elaine, may kasunduan umano tungkol sa nasabing brunch ng fans with JaDine, pero aminado rin naman ang producer na verbal lang nasabing kasunduan.
Sa tweet ni James kaugnay ng issue, humingi siya ng paumanhin sa fans na naloko umano na magbayad ng $250 para isang brunch na hindi naman aprubado.
Aniya, “I’m sorry for the fans who were tricked into paying $250 for a brunch that was not approved. I didn’t even know about it until the day after.”
Inakusahan din niya si Elaine bilang sinungaling at hindi mapagkakatiwalaang producer.
“Elaine Crisostomo is not a credible promoter and a liar. She still owes our production head (not Nadine @mjfelipe) $27,000,” tweet ni James.
Ipinaliwanag pa ng young actor ang sitwasyon nila noong mga oras na iyon. Sabi niya, “We went straight to our hotel room because of our 3am flight. Ofcourse we’re tired. And Ellaine never spoke to me until after the concert.”
Sa huli, sinabi ni James na hindi na naman niya kailangan pang magpaliwanag dahil alam daw ng kanilang fans ang katotohanan. Nabubuwisit lang umano siya sa mga kumakalat na kasinungalingan.
“All the fans involved already know the truth. I hate to explain all this but I’m just annoyed that these lies are still being spread on TV,” ayon pa sa binata.