BIBIHIRANG MATAGPUAN ng media si James Yap o kaya ay magbigay ng panayam. Nitong nakaraang linggo, naging mainit na naman ang pangalan ni James nang nagsalita si Kris Aquino nang matanong ng entertainment press sa presscon ng kanyang MMFF entry na Sisterakas kung totoo nga bang ‘good friends’ na sila ng estranged husband. Sagot ni Kris dito ay, “No, that’s not true.”
Matatandaang dalawang linggo bago ang interview kay Kris, nakapanayam ng media si James sa isang endorsement nito at dito ay inamin niyang ‘good friends’ na sila ng una.
Sa panayam namin kay James, una muna naming inusisa ang tungkol sa pagiging tahimik nang buhay niya ngayon particularly sa kanyang lovelife na palaging binabantayan ng publiko. Natatawa niyang patanong na sagot, “Tahimik ba? Masaya nga, eh, kasi tahimik, eh.”
Tungkol naman daw sa lovelife, isinasantabi daw muna niya ito dahil sa focused siya sa pagba-basketball. “Focus muna ako ngayon sa laro. Focus muna ako sa ngayon dahil ongoing ‘yung conference namin. And then, nasa kalagitnaan na kami ng mga crucial game. Actually ano na nga, eh, quarterfinals na this coming Thursday (last Thursday, December 13) against Petron, so sobrang lakas nila, so naka-focus kaming lahat.”
So paano naman ang kanyang personal na kaligayahan? “Well parang ito ‘yung… iniisip ko na lang na napapasaya ko ‘yung mga tao, napapasaya ko ‘yung mga fans na sumusuporta sa amin, ‘di ba? So ‘yun na lang ‘yung lagi kong iniisip. Time sa sarili? Okay naman dahil nag-e-enjoy naman ako, nag-e-enjoy naman ako sa paglalaro ng basketball, marami naman akong mga kaibigan.”
Very game si James sa mga katanungan sa kanya, tinanong na rin namin sa kanya kung ano ang masasabi niya tungkol sa pagtanggi ni Kris na hindi nga sila ‘good friends’ pa sa ngayon. “Ano? Ano, ano? Kailan niya sinabi ‘yun? Ah… sa (presscon ng) movie niya, sinabi niya ba ‘yun? Ah, kasi nauna ‘yung interview ko. Ah, well no comment na ako diyan. Basta kung ano man ‘yung mga misunderstanding na nangyari sa amin, ayaw ko nang mag-comment dahil isipin ko na lang na may anak kami. Ayoko naman na paglaki ni Bimby o ni James ay susumbatan kami na bakit kayo nag-away sa… kailangan pang ipaalam sa public, ‘di ba? Na puwede bang ayusin n’yo na lang dalawa.”
Dagdag pa niya, “Ayoko na darating ‘yung time na ganu’n na pagsabihan kami ng anak namin. So kung ano man ‘yung nasabi niya, ‘di ko na lang… basta ayoko na lang sagutin. Basta mahalaga, naka- focus lang ako talaga sa anak ko, and wala nang iba. Kung alam mo ‘yung mga misunderstanding na mga nangyari… I’m sure, hindi naman kami for life na magkaaway, eh. Kasi meron kaming anak, bali-baliktarin man, meron kaming Bimby. So ‘di puwede ‘yun… hopefully maayos… actually maliit lang na bagay, ‘yun lang siguro, maayos…”
NAGING MATAGUMPAY ang ‘The Best Gift’, ang free benefit concert ni Lani Misalucha na isang birthday show ng TV Executive at Talent Manager na si Noel Ferrer last Tuesday, December 11, 2012 sa Zirkoh, Tomas Morato. Libre ang entrance ng show, pero hinihiling ng producer na mag-donate ng kahit magkano sa entrance para sa Fe Del Mundo Foundation Hospital.
After the show, nakapanayam namin ang ‘Asia’s Nigthingale’ sa backstage upang mahingan ng maiksing panayam. Labis-labis ang kanyang pasasalamat sa mga nag-donate para sa mga kabataang tinutulungan ng foundation. Isa pang ikinasaya ni Lani ay ang kanilang pag-stay muna sa Pilipinas upang muling makapag-celebrate ng Pasko kasama ang pamilya. “Oo nga eh, it’s a very good Christmas kasi nga makakapag-Christamas kami rito, mag-stay muna kami. Ah, tsaka January na kami aalis, basta makapag-Christmas kami dito. Kasi eight years na kaming nawala, I mean hindi pala, eight years kaming hindi nakapag-Christmas sa Pilipinas, kaya looking forward kami.”
After Christmas daw ay balik na ulit sila ng America. Pagbalik ba niya du’n, tuluy-tuloy na rin bang du’n siya mag-concentrate? “Ay, hindi natin masabi. Baka kasi, baka meron akong provincial tour, at may show.”
Bukod pa rito, nakatakda na ring magbukas next year ang Kanta Pilipinas ng kung saan isa siya sa mga hurado.
Last December 1, pinasinayaan muli ni German Moreno ang local version ng ‘Walk Of Fame’ sa may Eastwood Citywalk sa may Libis, Quezon City. 26 stars ang ginawaran ng ‘Walk Of Fame’ kabilang na si Lani.
Masayang lahad niya sa amin, “Yehey, nakakatuwa, nakakatuwa, kasi at at least kung wala tayong star doon sa Hollywood, meron tayo rito. Nakakatuwa dahil naisip ni Kuya Germs ‘yun. At tsaka siya ang nag-spearhead nu’n at talagang pinursige niya magkaroon tayo rito sa Pilipinas. So it is a really good cause, at least nare-recognize ang mga artista, at mga performer like us.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato