OH, MY ‘GA’!: Mag-uumaga na, sige pa rin kami ng tsikahan ni Direk Dante Nico Garcia na mas kilala sa taguring ‘Ga.’ Naitanong ko sa kanya kung ano ang reaksiyon niya sa mga nakapanood ng huli niyang ginawang movie ni Juday (Judy Ann Santos) with Ogie Alcasid.
Sabi kasi nu’ng mga nakapanood nito, hindi sila nagandahan at ang iba naman daw eh, hindi natawa. Ang kasunod pa nu’n, may nagkukuwento pa na ‘flop’ daw ang pelikula.
“Okay naman ang kinita niya. Hindi nga lang malaki. At hindi naman na-hold ang suweldo ko. So, ibig sabihin, hindi nalugi!” Sabay laugh nang laugh.
At ano ang mga bagong importanteng bagay ngayon kay Direk bukod sa pagsaglit niya sa Cuyo, Palawan until the weekend para dalawin ang kanyang ina at dalhin dito ang bago niyang biling Synergy Insoles, dahil nakararamdam daw ito ng sakit sa kanyang mga paa.
“Gagawa uli ako ng mga indie films. Tatlo ang proyekto namin sa Panoramanila. ‘Yung isa, ang title eh, Saranggola sa Ulan. May isa pa. At meron akong isang proyekto, na nu’ng ikinukuwento ko lang noong birthday ni Candy (Pangilinan) at natapos ako sa kakadaldal, nasabi ko kay Gelli de Belen na, ‘ikaw na ‘yun, bilat!’”
Pero under negotiations pa naman daw ang cast para sa How Is Friday? project niya na ang location eh, dito at sa France. Istorya raw ng isang flight attendant na tatawagin niyang Jocelyn Malacaman at magkakaroon ng relasyon sa kapwa niya flight attendant na Pranses na bente uno lang ang edad.
“Actually, istorya ito ng isang programmer na nakilala ko sa hawhawan (parties) abroad. Nanood siya nu’ng gala ng Ploning at madalas ko na siyang makita sa sari-saring festivals. Upstart director din siya na nagma-master sa finance and entrepreneurship. Kailangan niya ng body of work sa masters niya at ito ang prino-pose niya sa akin.”
Isa na lang Direk. Sabi rin ng iba, mayabang ka na.
“Pina-practice ko na nga sa harap ng salamin na maging mayabang. Pero hindi bagay sa hitsura ko.”
WOW, MALI!: BINATI ko sa text ang kaibigan kong si Jan Marini na may birthday concert sa The Library sa August 31. Seventeen years na rin niya sa showbiz.
May hinanakit ang friend ko. Kaya ang panawagan na ito eh, para sa mga kinauukulan ng Wowowee. Ia-address sana namin kay Papi (Willie Revillame), kaso, wala siya sa show.
Last May, kinuha raw nilang mag-guest si Jan at kasama pa ang anak niya, with Lindsay Custodio and Diane dela Fuente. Promo raw iyon ng Eight O’Clock (juice drink) at pinakanta sila ng Gloria Estefan song.
June 10 ang singil nina Jan sa kanilang pink pay slip. Pero pinababalik-balik daw sila sa cashier.
“Ayaw nilang magbigay ng date kung kelan sila magbabayad. Ang rason nila, hindi pa raw nagbabayad ‘yung sponsor which is Eight O’Clock nga. Eh, sila naman ang kumuha sa amin para mag-guest. Para namang napaka-desperada ko sa sarili kong pinagtrabahuhan. Nakaka-stress na! Nagmumukha na akong timawa. Sina Lindsay and Dianne din, hindi pa rin daw nababayaran.”
Ang sisingilin ay nagkakahalaga ng fifty kiyaw! Malaki ‘yun, huh! May we hear the side of Wowowee and Eight O’Clock?
The Pillar
by Pilar Mateo