Masaya ang child star na si Jana Agoncillo sa pagiging bahagi niya ng pelikulang Mano Po-7. Ang naturang pelikula ng Regal Entertainment na pinamahalaan ni Direk Ian Loreños ay tinatampukan din nina Richard Yap, Jean Garcia, Enchong Dee, Jake Cuenca, Jessy Mendiola, Kean Cipriano, Marlo Mortel, Eric Quizon, at iba pa. Ito ay ipalalabas na sa December 14.
Second movie ito ni Jana dahil nakalabas na siya sa maliit na role sa pelikulang “Everything About Her” starring Ms. Vilma Santos, Xian Lim, at Angel Locsin.
Ano ang role niya sa Mano Po 7?
Sagot ni Jana, “Anak po ako nina Tita Jean at Tito Richard at kapatid nina Ate Janella at Kuya Enchong.
“Happy ako kasi lumabas ako dati sa ‘Everything About Her’, pero guest lang po. Pero rito po ay mahaba na ang role ko, hindi na ako guest dito,” nakangiting esplika ng Kapamilya child star.
Masaya raw siyang katrabaho si Janella dahil idolo niya ang young actress. “Kasi po idol ko po siya dati pa, tapos po ngayon nakatrabaho ko na po siya. Pinanonood ko po kasi siya noon sa ‘Oh My G’,” wika pa niya.
Hindi ka ba kinabahan nang makatrabaho mo sila? “Hindi po, masarap po silang katrabaho dahil mababait po sila, e.”
Ayon pa kay Jana, pati sa “Goin’ Bulilit” ay happy siyang mag-taping dahil parang laro lang daw ito sa kanya.
“Enjoy po ako sa taping (Goin Bulilit), kapag hindi pa take, naglalaro po kami ng ‘ice-ice water’. Kalaro ko po sina Ashley, Mutya… lahat po ng bata roon, kalaro ko po e,” nakatawang saad pa ng seven-year old na child star.
Si Jana ay nagsimula sa showbiz sa TV series na “Honesto” na pinagbidahan ng isa pang child star na si Raikko Mateo. Nakuha raw si Jana sa TV show na ito nang mapanood ng ABS-CBN executive na si Deo Endrinal si Jana sa isang fastfood chain commercial, kasama ang veteran actress na si Marita Zobel.
Ukol naman sa regalong gusto niyang matanggap ngayong Pasko, ito ang tinuran ni Jana, “Gusto kong gift po ay ‘yung lutu-lutuan na toys, gusto ko kasing maging chef paglaki ko at saka artista at flight attendant.
“May hiniling po ako kay Santa (Claus) na bigyan niya ako ng book na Moby Dick by Herman Melville. Gagawa po ako ng sulat at ibigay ko raw kay mommy, ang address daw ay sa North Pole,” masayang wika pa niya.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio