DREAM come true para kay Jane de Leon ang maging bahagi ng long-running series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin at napapanood sa Kapamilya network. Ginagampanan ni Jane ang karakter ni Captain Lia Mante sa serye na isang sniper.
Ani Jane sa virtual presscon ng ABS-CBN, “Naging pangarap ko talagang pumasok sa series. Nung nagsisimula ako na-imagine ko yung sarili ko na ano kaya kung magiging part ako ng Ang Probinsyano? Ano kaya magiging role ko dito, parang ganun.
“Kasi grabe nung nag-start yun 16 years old pa lang ako, five years ago. Kaya nung sinabi sa akin ng management na magiging part ako ng Ang Probinsyano tapos yung magiging role nga is sobrang nagustuhan ko. May pagka brusko kasi si Captain Lia Mante.
Inalala ni Jane na sa Halik siya nabigyan ng biggest break sa teleserye bago nakonsider na gumanap bilang Darna.
“Biggest break ko talaga before Darna is Halik bilang Maggie Bartolome. Ako yung kapatid ni Lito — si Kuya Jericho Rosales. And yon ang kauna-unahang regular teleserye ko so far. Actually, iba talaga yung role kay Darna at Narda, si Lia Mante and ini-embrace ko pa yung character niya, eh.
“Si Lia kasi sobrang tough niyang tao. Kasi siyempre nasanay kasi ako sa kapatid (roles), yung mga ganun, yung mga estudyante, dun kasi ako nagsimula. Pero siguro kontrabida or bida okay lang basta maging part ako ng show walang problema sa akin yun,” kuwento ng dalaga.
Ayon pa kay Jane, malaking tulong ang Ang Probinsyano para manatili siyang physically fit na kailangan naman niya sa Darna series.
“Unang una yung endurance ko, kasi matagal ako nag-stay sa bahay, eh. Bawal lumabas so kailangan kong tumakbo ulit, mag-exercise, hindi lang sa pagbubuhat. And siyempre yung pag-aarte ulit, yung kailangan ko mag-explore inside Ang Probinsyano, kung ano yung nabibigay nila sa aking aral na kailangan kong i-develop and puwede kong ibigay sa character.
“Marami akong natutunan sa buhay pa lang ni CM (Coco Martin), dun pa lang sa loob ng set, marami po,” lahad pa niya.