MAGSISIMULA NA ngayong Nobyembre ang taping ng inaabangang Darna: The TV Series na pagbibidahan ni Jane De Leon. Ito ang dahilan kung kaya halo-halo ang emosyong nararamdaman ng aktres na busy sa paghahanda para bigyang-buhay ang tumatak na Pinay superhero.
“Kinikilig ako na excited na kinakabahan sa totoo lang. Iba pa rin ang pakiramdam kapag malapit na kasi malapit na talaga kaming magsimula,” ani Jane sa TV Patrol.
Ayon sa Kapamilya actress, patuloy ang pagwo-workout at pagda-diet niya para sa gagampanang papel. Kinwento rin niya ang naramdaman noong sinukat niya ang costume na gagamitin sa programa.
“Actually nakapag-fit na ako ng costume. Naiyak ako, yung feeling na nilalagay na sa akin yung headdress. Nagpapasalamat ako kay Lord na matutuloy na,” sabi pa ni Jane.
115th birthday ng Darna creator na si Mars Ravelo sa darating na Oktubre 9 kaya’t ibinahagi rin ng aktres ang pagpapasalamat niya sa pagkakataong magampanan ang natatanging karakter.
“Gusto kong pasalamatan ang Ravelo family sa ‘di matatawarang legacy na paglikha sa superhero natin na si Darna at sa pagtitiwala sa akin na ibigay ang bato. Maraming salamat po,” lahad niya.
Samantala, inihayag na rin kung sino ang magdidirek ng Darna: The TV Series. Ito ay walang iba kundi ang award-winning at box office director na si Chito S. Roño.
Ang Darna ang magsisilbing TV comeback ng master director, na siya ring nag-direk ng mga minahal na Kapamilya serye na Imortal, Lastikman, at Spirits.