NOONG NAKARAANG Sabado, September 28, sa una at eksklusibong panayam ng Showbiz Police ng TV5 sa segment na Cornered By Cristy ni Cristy Fermin sa panganay na anak ni Senator Jinggoy na si San Juan City Councilor Janella Ejercito-Estrada, naging emosyonal ito tungkol sa pinagdaraanan ng kanilang pamilya.
Bilang panganay na anak ni Jinggoy at isa na ring public servant sa ngayon, pumasok na kaya sa kanyang kalooban ang mga isyung ibinabato sa ama niya? Paano kaya niya ito kinakaya?
“Nu’ng una pong nagkaroon ng isyu na nakulong ‘yung lolo (Mayor Joseph Estrada) at daddy ko po, sa school po, lagi po akong binu-bully, ‘di ko po ito sinasabi sa parents ko. Ako lang talaga ‘yung humaharap sa kanila, grade school pa lang ako nu’n, eh. ‘Yun ‘yung time na hindi pa ako marunong lumaban. Everytime na papasok ako ng school tahimik lang ako. Minsan kapag breaktime namin, magla-lunch kami, ‘yung lunchbox ko nasa harap ko, nagtatago ako du’n habang kumakain. Kasi lahat ng taong dumaraan ang daming sinasabi, ganito raw ang tatay ko, ganito raw ang lolo ko, ganoon. Tapos meron pang instance na breaktime, tapos bumababa ako ng hagdanan, ‘yung isang upper batch sa akin, ginanu’n ang paa ko (parang tinitisod ka?). Opo, dinapa po ako sa stairs.”
Mas lumala pa raw ang pambu-bully sa kanilang magkakapatid ngayon dahil sa malaganap na social media.
“Sa instagram po ‘to, sabi po, ‘Paglaki mo para ka ring tatay mo corrupt ka din’. Ganu’n. Kasi nga po, ‘di ba, since public servant na rin po ako, parang sa akin na po binabato ang lahat?”
Dagdag pa niya, pati ang kanilang bunsong kapatid na si Jill, pitong taong gulang, hindi rin nakaligtas sa pambu-bully. “May nag-post po sa Facebook, si Jill nga raw po dinadala ang phone sa school tapos sabi nga raw po ng mga classmate niya, kung puwede raw po ng mga classmate niya hiramin ‘yung phone, pera rin naman daw nila ‘yun, sa pera raw po nila nanggaling ‘yun. “
Dagdag pang tanong sa kanya, kung nakita niya ba ang ama niya na talagang malungkot, naiiyak dahil sa problemang ito.
Maluha-luhang kuwento ni Janella, “Sabi po niya, pumunta po siya sa kuwarto ko, niyakap niya ko sabi po niya na pagod na raw po siya, naiiyak ako sorry.” Patuloy pa niya, “Pagod na siya sa mga isyung naririnig niya na hindi naman talaga totoo. Na masyado na po silang sinisira lalo na po ng social media.”
Sa ikalawang bahagi ng panyam kay Janella, ipinakita ni Cristy sa kanya ang larawan ni Janet Napoles kasama ang kanyang mga magulang at iba pang kaibigan. Tanong pa, “Mayroon akong hawak dito sa iPad na kuha ‘ata ito sa birthday ng mommy mo at gusto ko lang itanong sa ‘yo kung kilala mo sila at kung alam mo ba na kaibigan ng pamilya ninyo ang mga Napoles lalo na si Miss Janet Napoles. Kilala mo siya, kung nasaan siya rito?
Pag-amin nito, “Opo.”
Dugtong pa ni Cristy, “Ito ang gusto kong ipakuwento sa ‘yo. Si Miss Janet Napoles ay kaibigan? Sabat ni Janella, “Kaibigan po ng mommy ko.”
Ani Cristy, “At ngayon na nasangkot ang daddy mo sa isyu na ikinakapit kay Miss Napoles, magkaibigan pa rin ba sila, ang turing ng mommy mo kay Janet?”
Pahayag niya, “Oo naman po.”
Madalas din si Janet Napoles sa mga party ng pamilya. “Sa mga parties po namin, sa mga birthday po nila mommy ganu’n, nandoon naman po sila, pumupunta po sila.”
Naisip din kaya niya noong pumutok ang isyu na sana ay hindi na lang nila naging kaibigan si Janet? “Uhm, Hindi naman po. Hindi po.”
Kakayanin pa nila ng mga kapatid at ina muling makulong ama? “Sa totoo lang po mahirap po talagang… mahirap po para sa amin kung mangyari po ulit ‘yun. Pero siguro naman po lalabas at lalabas din naman po ‘yung katotohanan. Kaya ngayon po nagdadasal na lang po kami na sana po hindi na mangyari ‘yung nangyari po sa amin dati. Kasi po napakahirap po sa pamilya namin na pagdaan po ulit ‘yun.”
Mensahe pa niya sa amang si Sen. Jinggoy, “Dad alam ko, kayang-kaya mo ito. Alam ko na malalampasan mo lahat dahil alam ko naman na you’re not guilty of anything. Andito lang ako, andito lang kami ng mga kapatid ko, lalo na si Mommy.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato