NITONG LUNES (October 26) na ang umpisa ng airing ng bagong morning series ng GMA 7 na Dangwa. Bida rito si Janine Gutierrez kasama ng kanyang dalawang leading men na sina Mark Herras at Aljur Abrenica.
“Nakae-excite po,” sabi ng Kapuso yong actress. “Marami na kaming na-taping. At nakita ko na nakakikilig at saka nakatatawa talaga ‘yong kuwento. So, excited ako na mapapanood na ito. Siyempre nakape-pressure din po. Kahit ano namang project na ibigay sa ‘yo, siyempre it comes with a certain sense of responsibility na pinagkatiwalaan ka sa isang show. So, siyempre pressured din. Pero ipinagdarasal ko lang po at saka excited ako.”
Sina Mark Herras at Aljur Abrenica ang leading men niya rito na sa istorya ay magiging magkaribal sa kanya. How was it working with the two Kapuso actors?
“Okey naman po. Pareho naman po silang mabait at saka magaling kaya magaan lang po kami sa set.”
Kanino siya mas komportable?
“Si Kuya Mark, kasi matagal ko nang kakilala. So, agad-agad wala na akong parang iniisip. Kasi, parang bata pa lang ako, nakikita-kita ko na siya, e. So, ‘yon!”
Kay Aljur ba nailang siya no’ng first taping daw nila?
“Hindi naman, actually. Wala namang nakaiilang kasi, since magaan nga lang, hindi naman siya super-drama. Dito sa Dangwa, ‘yong character ko po kasi na si Rosa, para siyang angel cupid na napadpad sa Dangwa para tulungan ‘yong mga single na makahanap ng lovelife at ‘yong mga may kailangang ayusin sa pag-ibig.”
Bilang bahagi ng promo ng bagong morning series ng GMA na pinagbibidahan niya, kamakailan ay nakitang nasa Dangwa (lugar sa Maynila kung saan nakabibili ng mga murang bulaklak) si Janine at namimigay ng flowers sa mga taong nakasasalubong niya.
“Ninerbiyos lang po ako no’ng una pero nakakatuwa rin pala,” tawa ni Janine. “Kasi no’ng nakita ko naman na natuwa sila, parang ang sarap din sa pakiramdam.”
Magkakaroon ba sila ng kissing scene ni Mark o ni Aljur sa Dangwa?
“Hindi ko pa po alam. Wala pa naman pong sinasabi.”
Kung sakaling meron, ready naman siya?
“Tingnan po natin!” tawa ulit ni Janine. “Abangan na lang natin. Siguro surprise na lang kung meron. Let’s see.”
Kampante naman daw siya na tatangkilikin ng televiewers ang Dangwa.
“The stories kasi are nice, e. At saka hindi lang naman po kami (nina Mark at Aljur), parang every week meron kaming iba-ibang guests. Tapos meron din silang love story. So, marami po ‘yong parang may kanya-kanyang kuwento.”
May pelikula rin si Janine na entry sa Metro Manila Film Festival. Ito ay ang Buy Now Die Later.
“Horror po siya na medyo comedy. Kasama ko po rito sina Vhong Navarro, Alex Gonzaga, si Rayver Cruz. Second time ko nang gumawa ng horror. ‘Yong una ay isang indie na last month lang namin na-shoot. Mas mahirap kapag horror film, kasi nakakapagod. Puro kaba at saka nerbiyos at sigaw.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan