MAY REAKSYON si Janno Gibbs sa controversial scene ng transgender na si Francine Garcia at Dennis Padilla sa MMFF movie nilang Pakboys: Takusa habang umiihi ito nang patayo.
Katwiran ni Janno na siyang nag-suggest ng title na Pakboys, huwag hanapin sa kanilang pelikula ang meron sa ibang MMFF movies na ipapalabas simula December 25.
“I think it’s clear na this is not a movie na para hanapan n’yo ng life lessons and political correctness. I think we have a lot of other movies sa filmfest na makakahanap kayo ng ganu’n,” katwiran niya.
Dagdag pa niyang paliwanag, “This is purely humor — comedy ito. This is a straight-out comedy movie. This is not a heart-warning movie. This is not… yung maraming lessons, so, talagang straight pagpapatawa lang.”
Magkaganun man ay humingi din ngpaumanhin si Janno sa mga taong ang pakiramdam ay na-offend sila.
“Sorry po kung… we are very sorry. Alam naming may mga na-offend but this is not a politically correct movie,” giit niya.
Dipensa naman ng ibang cast tulad ni Jerald Napoles, “Kung ano ang nakita mo online, naka-kahon lang doon yung opinion. Hindi mo naman mae-explain sa kung ilang libo silang nagreklamo. So, thank you sa comment.”
Ayon naman kay Andrew E., halata raw na nag-enjoy si Francine habang ginagawa ang pelikula at wala rin daw itong reklamo kaya wala siyang nakikitang masama sa eksena.
Para naman kay Dennis hindi niya magagawang bastusin ang LGBTQ community dahil ang anak niyang babae ay kasal sa isa ring babae.
Samantala, ibinahagi rin ni Janno Gibbs ang kasiyahan na muli niyang nakatrabaho sa Takusa si Angelu de Leon.
“Isang very exciting dito yung mga partners namin, yung mga leading ladies namin. Ako, I’m very happy to work with Angelu de Leon na matagal ko ding nakasama noon sa Ober Da Bakod and a lot of other films.
“Yung chemistry namin, proven na yan, eh. Hindi mo kasi mapi-fake yung ilang taon ng pagkakaibigan. Hindi mo kayang i-fake yon sa sandaling panahon lang,” masayang kuwento ng singer-actor.
Palabas na ang Pakboys:Takusa sa December 25 mula sa direksyon ni Al Tantay and produced by Viva Films.