NASA PANGANGALAGA ni Perry Lansingan ng PPL Management si Janno Gibbs at ayon na rin sa publicist ni Perry ay nagpaalam na raw si Janno sa GMA 7 para sundan si Ogie Alcasid sa TV5.
Pero ano itong sinabi ni Janno nang magpa-interview ito sa launching ng kanyang album kamakailan lang na ginanap pa sa 17th floor ng GMA 7 na okey at wala siyang problema sa ginagawang pangangalaga sa kanya ng Kapuso Network?
Tapos, ‘eto at biglang mababalita na susunod na si Janno sa TV5 para samahan ang matalik ng kaibigan na si Ogie Alcasid at para mabuo uli ang kanilang tandem na small brothers.
Buong ningning pa ngang sinabi ni Janno, kung hindi kami nagkakamali sa mga interview nito recently, na nagpapasalamat siya sa ginawang paglipat ni Ogie sa TV5 dahil napunta sa kanya ang dapat sanang racket para sa kaibigan, tulad ng paggawa ng kanta para gamitin theme song sa mga serye ng Siyete.
Si Janno ang gumawa ng theme song ng bagong serye na malapit nang ilabas na Healing Hearts na pagbibidahan ng mga baget stars ng Kapuso Network.
Sa launching ng Healing Hearts at kung darating si Janno para kantahin ang theme song ng serye ay siguradong hindi siya makaliligtas sa mga press para tanungin kung totoo ba ang paglipat niya sa TV5? At siyempre uungkatin din kung ano ang tunay na dahilan ng paglipat?
Pero laking gulat ng ilang press sa ginanap na launching ng Healing Hearts ay si Julie Ann San Jose na ang kumanta ng theme song.
Anyway, ‘di kaya may kinalaman si Ogie or si Ma’am Wilma Galvante na nasa TV5 na ngayon matapos na magretiro sa GMA 7? Ano nga ba ang tunay na dahilan, Janno?
MASAYA ANG producer ng Edna na si Tonet Gedang dahil sa naging matagumpay ang screening ng movie sa Adamson University na pinagbidahan ni Irma Adlawan na isang OFW na nagtrabaho abroad para bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilyang iniwan sa Pinas.
Lalong nagbigay-kasiyahan sa producer ang mga magagandang comment at feedback ng mga estudyante sa Adamson University at naging eye opener sa karamihan lalo na sa kabataan na may OFW na magulang na bigyang-halaga at mapagtanto ang hirap at sakripisyo ng magulang na naghihirap magtrabaho sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Humanga ang mga estudyante ng Adamson sa ipinamalas na husay ni Irma Idlawan na naging matatag ang kalooban at pagkakaroon ng good values bilang makabagong Pilipina at bayani.
Sa open forum, may nagtanong sa producer kung sadya raw bang pinagagawa at pinakikita ang tinatawag nilang “poverty porn” na trend sa mga indie movie?
“Mula sa simula ang adhikain ng movie ay maipakita ang istorya ng pamilyang Pilipino hindi lang OFW kundi lahat ng pamilya o magulang na nagsasakripisyo para maibigay ang maginhawang buhay sa mga anak,” paliwanag ng producer.
Magkakaroon pa ng exclusive screening ang Edna sa Metropolitan Museum sa April 28 at sa Instituto Cervantes de Manila sa May 9 at puwedeng manood ang lahat sa UP Diliman Film Center sa May 18.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo