NANG LUMABAS ang nakagugulat na balitang nagpakamatay dahil sa depression ang sikat na international comedian na si Robin Williams, nasabi na lang ng dalawa nating sikat na komedyante at singer na sina Janno Gibbs at Ogie Alcasid na na-depress din, sila pero hindi pumasok sa isip nila ang magpakamatay.
“Noong time na dumaan ako sa depression, I denied it,” say ni Janno. “Wala kasi sa culture natin na you seek professional help. Kapag ginawa mo ‘yon, sasabihin agad na may tama iyan, may sayad iyan. Pero hindi ako umabot sa punto na gusto kong mag-suicide. Humingi ako ng tulong. Sa tulong ng pamilya, ng parents ko, ng wife ko at mga anak ko, nalampasan ko iyon.
“Inamin ko ito ngayon dahil I want to foster awareness that there’s nothing wrong in seeking help when you’re depressed,” patuloy pa ni Janno.
Ang pagtaba ang dahilan ng depression ni Janno. Hindi raw kasi niya ma-take na haharap siya sa mga tao na ganoon ang hitsura, kaya hindi na siya pumapasok sa trabaho. Nagkaroon din siya ng problema sa pagtulog kaya hindi hindi makagising nang umaga. Dito na siya nabansagang “the late Janno Gibbs”.
Nagpapasalamat siya na unti-unti na ring nababawasan ang timbang niya at naging maayos na rin ang pagtulog. Ito ay dahil na rin daw sa suporta ng kanyang pamilya.
Sa suporta ng mga nagmahal ay muling na-inspire si Janno na mag-compose ng kanta at dumating na rin ang mga offer niya to do a drama series sa GMA 7.
Hindi rin ikinaila ni Ogie Alcasid na hindi lahat ng panahon ay naging okey siya dahil dumanas din siya ng depression.
“Nagkaroon din naman ako ng struggles sa personal life ko. Kapag naiisip ko si Robin Williams, ‘di ba? Parang sige nang sige nang sige and then he died sad. Ganyan din kami, eh. Lagi. Iba lang talaga ang Hollywood, I guess,” say ni Ogie.
Noong time daw na dumaan din siya sa depression ay nandiyan ang kanyang pamilya at mga kaibigan para suportahan siya. He singled out his separation with ex-wife na si Michelle Van Eimeren na siyang pinakamatinding depression.
“Hindi naman madali ‘yun. Kasi I was living alone for 7 years. Eh, sanay ako ng may bata, maingay, kapag Pasko. So, medyo ano rin, hindi naging madali.
“Kaya kapag may naghihiwalay, sinasabi ko talaga, ‘huwag ninyong ituloy ‘yan’ kasi akala mo ay ‘yun ang solusyon pero hindi pala.
“Maraming lumalapit sa akin na ‘yung pahiwalay na. Feeling nila iba-validate ko ‘yung gagawin nila kasi naging okey ang buhay ko. Sasabihin ko talaga na huwag. Hindi maganda. It’s the worst thing you can wish on yourself. Kasi annulment, ang hirap talaga. Huwag ganoon,” say pa ni Ogie.
Inamin din ni Ogie na marami siyang nagawang katangahan noong kabataan. Naging bad boy rin daw siya noon.
“Hindi naman sobrang bad. But I was not ideal. Dumaan ako roon. At ‘yun ngang nangyari sa akin, ‘di ba? Hindi naging maganda ang focus ko. Mabuti na lang talaga nasagip ako,” say pa ni Ogie.
Naging maayos na raw ang relasyon niya with Michelle and her kids at nagsimula na rin siyang ma-in love kay Regine Velasquez kaya nagtuluy-tuloy na rin siyang makabangon.
Ngayon ay masayang-masaya na si Ogie sa kanyang buhay lalo na when it comes to his family. Para nga raw silang isang malaking pamilya kapag nagkikita-kita sila nina Michelle kasama ang kani-kaniyang pamilya.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo