‘The King of Soul’ – ‘yan ang titulong ibinigay kay Janno Gibbs. TV host, comedian, at singer – sa lahat ng aspetong ito, masasabing consistent na mahusay si Janno. Kaya naman nakalinya ang pangalan niya sa listahan ng ‘most talented celebrity’ sa showbiz.
Taong 1986 nang mapasama sa teen-oriented variety show na That’s Entertainment si Janno. Patok ang loveteam nila noon ni Manilyn Reynes. Buong Araneta Coliseum, kayang yanigin ng tilian ng kanilang fans. Kaya naman nagkainteres sa kanila ang Regal Films matriarch na si Lily Monteverde na isama sa kuwadra niya ng mga ‘Regal Babies.’ Nagkasama sa mga pelikulang Stupid Cupid, Love Letter at marami pang iba sina Janno at Manilyn. Nauwi sa totohanan ang loveteam ng dalawa, pero hindi ‘yon umabot sa altar, ‘ika nga. Dumating kasi sa buhay ni Janno si Bing Loyzaga, anak ng basketball legend na si Caloy Loyzaga. Contract artist na ng Viva Films noon si Bing at miyembro na rin ng That’s Entertainment. Nagkaanak sila ni Janno, si Alyssa, noong 1989. Taong 1990 naman nang magpakasal sina Janno at Bing.
Bago naging talent ng Regal, nakasama na si Janno sa pelikulang Kalabog en Bosyo na pinagbidahan ng Comedy King na si Dolphy at ng sidekick nitong si Panchito.
Maliban sa mahusay na komedyante, biniyayaan din si Janno ng napakagandang boses, kaya naman hindi naging mahirap sa kanya na sumabak naman sa pagkanta. Ang first single niya ay ‘Miss’ na ni-release ng Vicor Records. Pero hindi ito masyadong kinagat ng mga tao. Sumabak na rin sa concerts at musical plays si Janno, at sa Kenkoy Loves Rosing, nakapareha niya si Regine Velasquez. Nagkaroon din sila ng duet, ang remake ng Rico J. Puno song na “Magkasuyo Buong Gabi.”
Naging mainit ang pagtanggap sa team-up nina Janno at Regine, kaya naintriga rin ito. Pinagpiyestahan ang isyung nagkaroon ng relasyon ang dalawa, pero namatay rin ito.
Isa sa mga memorable sitcom ni Janno ang Ober Da Bakod. Sino ba ang makalilimot sa karakter niyang si ‘Mokong,’ ang utol ni ‘Bubuli’ na ginampanan ni Anjo Yllana, sila ang ‘Dayukdok Brothers.’ Blockbuster din ang Pedro Penduko series niya sa pelikula.
Mas lalong kinagat ang ‘comic flare’ at husay sa pagkanta ni Janno nang makasama niya si Ogie Alcasid sa concert na ‘Small Brothers’ na naging TV show rin sa ABS-CBN.
Sa kabila ng kasikatan, naging masalimuot ang personal na buhay ni Janno. Nagkahiwalay sila ni Bing, pero nagkabalikan ding muli. May tagong ‘playboy image’ din kasi ang singer-comedian.
Napapanood si Janno sa kasalukuyan sa SOP, The Power Of 10, Nuts Entertainment, at marami pa sa GMA-7. Sa TV5 naman, sa P.O.P.S. at Dobol Inkredibol.
Kay Janno, totoo ang kasabihang small but terrible.
Click to enlarge.