Malamang nagulat din kayo nang matapos ang ilang taong pamamahinga, biglang sumulpot si Jao Mapa sa mga eksena ng umaaribang indie films sa bansa.
Namayagpag ang karir ni Jose Vicente P. Mapa III, o mas kilala bilang Jao Mapa, noong mid at late 90’s. Ang guwapo at mahusay n’yang pagganap ang hinangaan ng mga fans at nagbigay sa kanya ng pagkakataong mapasabak sa mga pelikulang tulad ng Pare Ko; Hataw Na!; Asero; Dahil Tanging Ikaw; Matrikula; Babae; at marami pang iba.
Pero hindi nagpakahon si Jao sa showbiz. Dahil sa kasagsagan ng kanyang kasikatan, bigla siyang nawala para naman tuparin ang pangarap niyang maging isang pintor. Nagtapos siya ng Fine Arts sa University of Santo Tomas at nagkaroon na rin siya ng ilang exhibits para sa mga obra niya.
Ngayong rumarampa na ulit ang kaguwapuhan ni Jao sa indie films ng bansa, handa na raw siyang maghubad at makipagsabayan sa mga indie actors for art’s sake. Patunay riyan ang pagganap niya sa Xerox Copy; Dollhouse; at Mistaken. Dagdag rin ni Jao, may tatlong anak na siya at hindi naman masamang maging praktikal kung ang gagawin mo’y makatutulong para sa ikabubuti ng kinabukasan nila ‘di ba?!
Ni Mayin de los Santos
Photos by Yomen and Luz Candaba