HUMINTO MUNA ng pag-aaral si Jasmine Curtis-Smith sa Ateneo de Manila University dahil sa takot sa mga nangyayari ngayon sa nasabing school.
Una raw, ‘yung nangyaring kidnapping sa isang estudyante at pangalawa ay bomb threat kamakailan lang na naging sanhi para pauwiin ang lahat ng estudyante.
First year college na sana si Jasmine sa nasabing school, pero dahil sa takot ay napilitan itong tumigil muna sa pag-aaral.
Aniya pa, mahirap daw isugal ang sarili sa panahong ito, lalo na’t wala raw pinipili ang mga gumagawa ng masama.
Sinuportahan naman siya ng kanyang Ate Anne na huwag munang mag-aral at mag-concentrate na lang muna sa pag-aartista.
Inamin din ni Jasmine na ang sunud-sunod na project niya sa TV5 ang isa rin sa dahilan kaya siya nagdesisyon na huminto muna sa pag-aaral. Binawi niya ang sinabi noon na kaya niyang pagsabayin ang pag-aaral at pag-aartista.
“Akaka ko noon na kaya kong pagsabayin ang pag-aaral at pag-aartista. Hindi pala ganoon kadali. Mahirap pala talaga,” say ni Jasmine.
Saka ayaw raw niyang sayangin ang pagkakataon na dumarating sa kanyang career at baka raw hindi na ito dumating pa uli. Tulad ng pelikulang pagsasamahan nila ni Ms. Nora Aunor na ididirek ni Percy Intalan at teleserye sa TV5.
Sa February 18 nga, mapapanood na ang Replacement Bribe na isa sa mga original movies na handog ng Kapatid Network, kung saan si Jasmine ang lead female character katambal si Daniel Matsunaga na idinirek ni Mac Alejandre. Ang ganda ng pagkakagawa ng serye na kung tutuusin ay mas maganda pa sa mga indie film na napapanood sa mga sinehan.
Ang Replacement Bribe ay istorya ng dalawang nilalang na pinaglapit ng tadhana na hindi sinasadya. May kilig ang tambalan nina Jasmine at Daniel. Maganda ang rapport ng dalawa at bagay sila sa character na kanilang ginampanan.
Promise! Hindi kayo magsisisi kapag napanood ninyo ito sa Feb. 18, sa TV5.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo