AYAW ni Jason Abalos na ipapanood sa girlfriend niyang si Vickie Rushton ang latest movie niyang Silab na idinirek ni Joel Lamangan para sa Viva Films. Pero hindi na idinetalye ng aktor kung anong daring scenes ang ginawa niya sa pelikula na ayaw niyang makita ni Vickie.
Ang Silab ay pinagbibidahan din nina ni Cloe Bareto at Marco Gomez.
“Hindi pa niya kasi ako napanood sa ibang pelikulang nagawa ko na tulad ginawa ko dito sa Silab. Kaya huwag na lang niyang panoorin,” diin ni Jason.
Ibinahagi rin ni Jason na masaya siyang nagdesisyon ang girlfriend na huminto na sa pagsali sa mga beauty pageants. Ito na raw kasi ang tamang panahon para bumuo na sila ng pamilya ni Vickie.
Pagtatapat ni Jason, “Siguro nasa ano na kami ni Vickie, eh. Matagal na akong naghihintay na matapos si Vickie sa pagpa-pageant. Tingin ko ayon na ‘yon, eh. Sabi ko, ‘O, tama na yan, hindi ka na pwede, tayo naman.’
“Kasi hinayaan ko siya talagang lumarga, gawin niya lahat ng gusto niya habang dalaga pa siya. So ngayon, siguro panahon na para bumuo naman kami ng pamilya.”
Naungkat din kung naging unfaithful ba si Jason sa mga nakarelasyon niya noon at hindi naman ito idinenay ni Jason. Pero iginiit niya na noon pa raw yon nung panahon ng kanyang kabataan.
“Dumaan naman po tayo nu’ng kabataan natin na nag-e-explore pa ng mga bagay sa ating buhay at may mga pagkakataon talaga na dumarating po yan.
“Pero siyemre, habang tayo ay nagkakaedad, nagiging iba na ang pananaw natin sa buhay. Ngayon ay pinipilit po natin na huwag na tayong makasakit sa buhay,” paliwanag ng aktor.
Samantala, ayon pa sa binata, masaya siya na muling nakatrabaho si Direk Joel na direktor niya sa unang teleseryeng ginawa niya sa ABS-CBN – ang Vietnam Rose.
“Meron kaming unfinished business, eh. Kasi siya yung pinakauna kong director sa teleseryeng Vietnam Rose ng ABS-CBN, so nung mga panahon na yon hindi pa talaga ako handa,” pagre-recall pa niya.
“So sabi ko, kailangang makagawa pa ako ng isang proyekto with Direk Joel na handang-handa na ako at nangyari na nga yon dito sa Silab. Tapos sabi niya sa akin, ‘Sobrang proud ako sa ‘yo,’ do’n ako parang, ‘Wow!’” dugtong niya.
Inamin din ni Jason na nakatikim siya noon ng talak sa direktor ng Silab.
“Oo, sobra! Segue-segue kasi ako noon sa pelikula at teleserye kaya lagi akong pagod. Pero nitong muli ko siyang nakatrabaho, nakita niya naman yung effort ko. At least, na-fulfill na yung unfinish business namin,” sambit pa niya.
Ang Silab ay sinulat ni Raquel Villavicencio at mapapanood sa Vivamax at sa iba pang streaming platform simula ngayong July 9, 2021. Kasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, Jim Pebanco at Chanda Romero.