Hot na hot ngayon ang mga PBB Double Up Big winners dahil halos lahat yata ng sambayanang people ay nanood ng Big Night noong Sabado. Nakakaloka ang naging ending ng resulta dahil noong Martes lang ay si Paul Jake ang nangunguna sa botohan at pangatlo lang si Melissa. Pero si Melai ang nagwagi at lumamang ng halos 200,000 text votes! Grabe ha, gumastos talaga ang mga fans ng Melason para maiangat ang kanilang pambato. Pati mga kaibigan namin na nanood sa kanilang telebisyon ay walang tigil daw ng pagti-text. Pati nga ako, e, bumoto rin kay Melai!
Ang guesting nila sa The Buzz noong linggo ay kontrobersiyal na agad. Dahil bukod sa kanilang kauna-unahang TV interview pagkalabas ng Bahay ni Kuya, sinabi ni Jason na umiyak daw agad si Melai nang makita niyang halikan ng isang babaeng fan si Jason nang magpakuha ito ng litrato. Nagselos daw si Melai at umiyak sa backstage ng studio. Hindi na naka-react pa si Melai sa isyung ito pero kitang-kita naman na nagselos nga ang Inday ng GenSan. Paano ba naman kasi, guwapo naman talaga itong si Jason at ayon sa mga nakausap namin, maamo raw talaga ang mukha nito. Very genuine ang kilos at ang pagsagot, at walang bahid ng kahit anong ka-showbiz-an.
Sunud-sunod na nga ang guestings at projects nina Melai at Jason at balita namin ay may nakalinya nang mini-drama series na ala-reality para sa dalawa. Naku ha! Mukhang mae-etsapuwera nang maaga ang iba pang mga housemates! Dapat, medyo umekse-eksena na rin sila para hindi sila mawala sa sirkulasyon! Dapat kasi ganoon sila ka-charming at ka-endearing sa publiko gaya nina Melai at Jason!
PUMIRMA NA NG 2-year 2-picture exclusive movie contract si Erich Gonzales sa Star Cinema. Tuwang-tuwa ang dalaga at hindi raw niya inaasahan ang kontratang ito na dadapo sa kanyang palad. “Noong una kasi mga indie films lang ang ginagawa namin, kaya tuwang-tuwa ako ngayon na mabibigyan na ako ng chance ng Star Cinema na makagawa ng movie with them,” pahayag ng batang aktres. Balita namin ay nakalatag na ang starring movie niya kasama si Enchong Dee. Talagang tinuluy-tuloy na ang kanilang loveteam dahil naging patok naman talaga ito mula nang magbida sila sa Katorse at ngayon, sa Tanging Yaman.
Marami pa akong gustong makatrabaho sa pelikula. Nagka-movie na ako with Papa Piolo, siyempre gusto ko namang makatrabaho sina John Lloyd, si Coco Martin at marami pang iba,” dagdag ni Erich.
Handa na rin siya sa ibang intensity at level ng pag-arte. Naiintindihan ni Erich na iba ang pressure sa pelikula at sa TV. “Sa TV kasi, magbubukas lang ng TV ang mga tao, mapapanood ka na. Sa movies, talagang maglalabas sila ng pera para mapanood ka kaya sobra-sobrang pressure po talaga ito.”
Hindi naman daw niya nakalilimutang magpasalamat sa lahat ng taong tumulong sa kanya lalo na ang kanyang mga supporters na hindi siya binibitawan at pinagkakatiwalaan ang kanyang talento sa pag-arte nang mailunsad siya sa Katorse. Congratulations Erich!