Kung hindi mo kilala si Jay Manalo, iisipin mong bading ang mahusay na actor na si Jay Manalo sa pelikulang “Pusit” na idinirek ni Arlyn Dela Cruz. Sa gay lingo, ibig sabihin ng salitang “pusit” ay “positive” (o HIV positive).
Isasali ang pelikula sa Metro Manila Film Festival na initial offering ng Pantomina Films in cooperation with Blank Pages Productions. Prinodyus ito ni Maria Teresa Cancio.
Kuwento ni Direk Arlyn, sa shooting nga raw ng “Pusit”, hubo’t hubad ang ka-sex ni Jay. Dapat nga raw, si Jay ang tatalupan ni Direk Arlyn, pero nag dialogue ang aktor ng “Tapos na ako riyan!”
Sang-ayon naman ni Direk Arlyn, “Graduate na siya sa paghuhubad sa pelikula.”
Paliwanag pa ng mahusay na director kaugnay sa title ng pelikula, “Ang ‘Pusit’ ay lingo, tawag ng community na ‘Oy pusit ka, ‘no?’, meaning positive ka sa AIDS o HIV. Noong um-attend kami ng ‘AIDS Hour’, narinig namin ‘yun,eh! Sabi nila, ‘Mabuhay ang mga Pusit!’.
“Ang Pusit ay kuwento ng isang tatay, ng anak, ng kapatid, ng isang kaibigan. Puwede itong mangyari kahit kanino at dito sa kuwentong ito, hindi siya sakit na… ito ay kuwento ng pamilya.
“Isang OFW straight guy ang nagkaroon ng AIDS, isang 14 years old ang nagkaroon ng AIDS dahil nangailangan ng pera para sa DOTA, totoong kaso ‘yun. Isang professional, businessman na mayroong sakit, kumbaga tumawid siya sa iba’t ibang social conditions.
“Ang mensahe ng ‘Pusit’ ay hindi end of the world ‘pag nagkaroon ka ng HIV. There is hope, there is life. Pero, ipinakita rin sa pelikula ang discrimination, ‘yung stigma, ‘yung family mismo ang unang magre-reject at unang magdya-judge, pero family rin ang tutulong sa ‘yo.
“At ‘pag dumapo ang ganitong klaseng sakit, kailangan ng ‘acceptance’. May bading din dito, pero may babae rin kaming victim. Naisip ko ‘yun dahil hindi ito gay film. Ang sakit na ito ay hindi lang dumarapo sa LGBT community.
“Mayroon kaming real-life HIV patient na subject. Nakausap siya ng buong cast at may special participation siya sa ‘Pusit’. Almost full-blown na ang syphilis niya, pero parang normal pa rin siya.”
Ilan nga sa mahuhusay na aktor na kasama sa pelikula ay sina Kristofer King, Ronnie Quizon, at Elizabeth Oropeza.
John’s Point
by John Fontanilla