SA DAMI ng anak ng aktor na si Jay Manalo sa iba’t ibang babaeng kanyang nakarelasyon ay wala ni isa sa mga ito ang pumasok sa showbiz at naging artista. Sa 12 naging anak ni Jay ay lima ang kanyang napa-graduate ng college graduate. Ang isa naman ay nasa first year college na ngayon habang bata pa ang kanyang bunso. May mga teenagers na rin siyang anak ngayon sa kanyang misis.
Ayon kay Jay nang makausap siya ng PUSH sa virtual interview ay sinadya talaga niyang huwag i-encourage ang kahit sino sa kanyang anak na pasukin ang showbiz. Eh, bakit naman kaya?
“Kasi nade-defocus once na nakatikim na ng either fame or fortune. Nawawala na yung pokus sa pag-aaral. Maraming ganon, eh,” paliwanag ni Jay.
“Pero hindi ko naman sinasabing lahat, pero karamihan. Lalo na yung inuumpisahan yung pag-aartista sa young age. Nakakalimutan na yung kanilang urge to finish the education. Ayoko ng ganun,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa award-winning aktor na huling napanood sa Kapamilya series na Mea Culpa: Sino Ang May Sala noong 2019, malaki ang pagpapahalaga niya sa edukasyon ng mga anak kaya ito dapat maging priority nila.
“Ako kasi sa akin nga, lahat ng trabaho pinasukan ko hanggang sa itong showbiz nga. Ito yung nagsuporta sa akin at nagsuporta sa mga anak ko para makapag-aral. Ituloy-tuloy ko nalang ang obligasyon ko sa kanila, kung ano yung aim ko para sa kanila.
“Sa mga anak ko with my wife, wala akong nakitaang may hilig. Yung isa lang, yung pangalawa namin. Sumasali kasi sa mga teatro sa school. Yung pangalawa ang medyo — actress siya sa school. May T-shirt nga siyang may nakasulat na ‘actress.’ Sabi ko, ‘Ano yan? Sabi niya wala daw, sa school lang daw,” kuwento ni Jay.
Ibinahagi rin sa PUSH ni Jay kung anong klase siyang ama. Hindi daw siya namamalo ng mga anak.
Aniya, “Pinagdaanan ko kasi ang palo, eh. So, ayokong iparamdam yon sa mga bata. Hindi magbabago, eh, cycle lang yan. Ayoko talaga. Ayoko talaga nu’n kasi alam ko ang pakiramdam.
“Alam mo naman kapag mga bata medyo ano. Kumbaga, ina-acting ko lang pag nagagalit ako. Yon bang imo-modulate mo yung boses mo. Parang sa boses mo palang matakot na. Hindi ka na kailangan tumayo o gumalaw. Ganu’n lang. Kung ano yung ginagawa mo sa syuting maa-adopt ko pala dito.”
Nagsimula ang showbiz career ni Jay Manalo sa bakuran ng Viva noong 1990s nang gawin niya ang pelikulang Brat Pack kasama si Gary Estrada. Nasundan pa ito ng maraming pelikula sa Viva hanggang nakatanggap na siya ng mga acting awards. Ngayon ay balik-Viva ulit si Jay na inaming ang talagang pangarap niya noon ay maging US Navy.
“Draftee na ako sa US Navy, naiwan lang ako ng barko noon sa Subic, 1992 yon, birthday ko mismo. Ilang buwan ko ring iniyakan yon kasi ang tagal kong in-apply yon, US Navy. Tapos biglang naiwanan ako ng barko.
“Nung nag-aartista na ako sinubukan ko ring maging basketball player. Minsan pinagpapalit ko ang basketball kesa sa shooting at taping. Hindi ako a-attend ng taping o shooting makapag-basketball lang ako. ’Yon ’yong dati kong ano talagang gustong gawin.
“Hanggang yon nga, naaksidente ako sa basketball. Nasira yung tuhod ko. Doon na nagbukas ang mind ko, ‘Sige, dito na lang ako sa pag-aartista,’” pagre-recall pa ng magaling na aktor.