BULL Chit!
by Chit Ramos
MASUWERTE SINA JC de Vera at Carla Humphries sa pagkakaroon ng isang manager na katulad ni Annabelle Rama. Si Annablelle Rama na lang marahil ang manager ngayon na itinaya ang kanyang buhay at reputasyon sa pagprotekta sa interest ng kanyang mga talents.
Kinilabutan at nag-alala ang iyong lingkod sa matinding galit na ipinakita ni Annabelle sa presscon na ipinatawag niya. Gusto ko sana siyang paalalahanan na maghinay-hinay at baka matulad siya sa isang manager na tumaas ang bloob pressure ng 200/100 something, some 4 years ago na naisugod pa sa hospital dahil din sa matinding galit. Buti na lang at hindi natigok ang nabanggit na talent manager. Otherwise, kawawa naman ang kanyang anak na siyang dapat alagaan niya nang habambuhay.
Kalmado na ngayon ang talent manager at ano mang katulad na pangyayari ang maganap pa, ipapasa-Diyos na lang niya marahil.
Hindi lamang mabuting manager si Annabelle. Champion din siyang kaibigan hindi lamang sina Ricky Lo, Ronald Constantino, Manay Ethel Ramos ang inaasikaso niya noon kapag napapasyal sa Tate. Bukas ang kanyang bahay anytime na kailangan ng mga ito ang matutuluyan. Mas gugustuhin mo naman na doon manatili, ‘pagka’t ipapatikim niya sa inyo ang serbisyo-royale na hindi matitikman kahit sa isang 5-star hotel. Ipapasyal din niya kayo sa magagandang lugar doon, with matching shoping to the max pa. Nasulat ko na ito minsan (dito rin sa Parazzi), at dagdag ko rin ang iba pang nakatikim ng naranasan ko.
Hindi lahat, istrikta, pero napakabuti niyang ina. Hindi lingid sa kaalaman ng showbiz kung paano niya ipagtanggol ang kanyang mga anak. Kahit lalaki si Richard Gutierrez, alam ni Annabelle na more of an action man ang kanyang anak, kaysa magsalita. Ever a gentleman ito kapag babae ang nambibira sa kanya, kaya nga si Annabelle na ang nakikipaglaban para sa kanya.
Hindi rin lihim ang pakikipaglaban niya kaugnay ng relasyon ng unica hija niyang si Ruffa Gutierez sa asawa nitong si Ylmas Bektaz. Binabale-wala niya ang pagiging makapangyarihan nito (money is power, sabi nga) sa kanilang bansa. Nang makauwi si Ruffa sa bansa with her two lovely kids, nagawan ng paraan ni Annabelle na hindi na ito makabalik pa sa Istanbul. Kesehodang iwanan nito ang marangyang buhay sa piling ni Ylmas, kasama na rito ang isang buong kuwarto ng mga Hermes, Lizard, Crocodile, at kung anu-ano pang mga tatak ng bags at shoes. Graduate na yata si Ruffa sa mga Louie Vitton, Prada, Burberry, Gucci, at iba pang brand. Hindi pa rin nito pababalikin ang anak. Aanhin nga naman ng kanyang unica hija ang lahat ng iyon kung sinasaktan siya ng asawa.
Buti na lang at ipinadala ni Ylmas sa bansa ang 20 (yes twenty boxes) of bags, shoes, clothes, accessories (sa matinding galit, marahil) kaya’t marami pa ring magagamit si Ruffa. Ang hindi lang naikahon ay ang mga mamahaling alahas na regalo nito sa anak at mga apo ni Annabelle.
Natitiyak kong ganito rin ang nararamdaman ni Carla. Mula sa kanya, napag-alaman ng Bullchit na muntik na pala siyang maging isa sa dalawa leading ladies ni Richard, sa action series nitong Zorro.
“Kahit po anong kailangang gawin, ginawa niya para pumayag ang Star Magic na makapag-audition ako sa Kapuso station. Nang malaman ni Mr. M (Johnny Manahan) na maganda ang role at leading man pa nga po ako ni Richard, pumayag siya with his consent po, ang ginawa ni Tita Annabelle. Dumaan naman po si Tita Annabelle sa tamang proseso at naiintidihan ni Mr. M ang ganyang mga opportunities.
“Nakapasa nga po ako sa audition at pagkakaalam ko, nakuha ako” patuloy niya. Nauunawaan ni Carla sakali mang hindi natuloy ang negosasyong iyon.