ANG UNANG WINNER ng Survivor-Phillippines na si JC Tiuseco ang sinasabing dahilan ng iringan ngayon nina Maxene Magalona at Pauleen Luna. Para tuloy lalong ang guwapo-guwapo ng dating niya na dalawang babae talaga ang nag-aaway nang dahil sa kanya.
Dati kasing hinihinalang magkarelasyon na sina JC at Maxene. Tapos biglang napabalitang nag-break na ang dalawa. Kasunod ay ang usap-usapang si Pauleen naman daw ang bagong dinidiskartehan ng binata. Dahilan para magkaroon nga raw ng conflict sa pagitan ng dalawang aktres.
Nadamay pa nga si Angel Locsin at iba pa sa grupo ng mga kaibigan ni Maxene na kung tawagin ay Ampalaya Anonymous na nagpaparinig at nagpapatutsada raw kay Pauleen sa Twitter. Ikinagulat naman daw nga ng model-turned-actor na may isyung gano’n.
“Hindi totoo ‘yan,” reaksiyon ni JC. “Hindi ko naman nililigawan si Pauleen. Hindi ko talaga alam kung bakit may isyung gano’n. Kasi there’s nothing naman talaga sa aming dalawa. Once ko lang siyang nakasama sa isang show sa Abra noong March.
“Pagkatapos no’n nagkita kami minsan sa Eat… Bulaga!. Pero sandali din lang ‘yon. Kaya nga nagulat ako na may gano’ng isyu, eh wala naman talaga.”
Ingat na ingat magsalita si JC kapag si Maxene ang napag-uusapan. Pero talagang nakapagtataka na hindi niya masabi kung bakit biglang-bigla ay naputol ang magandang pagtitinginan nilang dalawa.
Hindi kaya may kinalaman ang sabi’y pagtanggi ng ina ni Maxene na si Pia Magalona na muling magkapareha ang dalawa sa isang teleserye? Naalis nga si JC sa cast ng nabanggit na series at pinalitan siya ni Mike Tan. Ayaw raw kasi nitong ma-identify ang anak sa iisang kapareha lang.
“Actually, hindi ko rin naman alam na ipinatanggal ako sa teleserye na ‘yon. And kung talagang totoong ipinatanggal nga ako, okey lang naman. Desisyon nila ‘yon. Desisyon din iyon ng management.
“At naniniwala ako na kapag merong nawala, may maganda namang kapalit. At okey naman ang naging kapalit. Kasama ako ngayon sa Langit Sa Piling Mo. Flight attendant ang role ko rito gaya ng papel ni Heart Evangelista (na siyang bida ng nabanggit na serye). Ako ‘yong tagaprotekta niya na bandang huli ay mai-inlove din sa kanya.”
At least, si Heart Evangelista ang naging kapalit para makatrabaho niya. Kumbaga, ‘di hamak na bigger star naman kesa kay Maxene.
‘Yon na!
LAST DAY NA ni Robin Padilla today sa Wowowee. Tiyak na marami ang malulungkot na sa dalawang linggong dumaan ay nagustuhan na nila’t ikinaaliw ang paghu-host sa show ng action superstar.
Hindi lang ang viewers at ang live audience, pati ang female co-hosts ni Binoe sa top-rating noontime show na ito, especially Mariel Rodriguez and Pokwang, mami-miss din ang aktor. Kung kailan pa naman may kilig at aliw nang hatid sa publiko ang kiyeme-kiyemeng love triangle nila sa show, saka bilang bye-bye na si Robin.
“Ang saya nga talaga na nakasama namin siya sa Wowowee kahit two weeks lang,” sabi nga ni Pokwang. “Ang dami naman nga talagang nag-aabang ng mga kalandian namin kay Robin everyday.”
Bakit nga ba dati noong si Willie pa ang naghu-host ng show, hindi nila malandi-landi ito? “Si Kuya (Willie) kasi, hindi kami type. Alam mo naman ang mga type no’n (Willie)… mga pam-beauty queen!” Natatawang sambit pa ng TV host-comedienne. O takot lang silang harut-harutin si Willie?
Biglang talikod ni Pokwang na aktong magwu-walk-out sa pakikipagtsikahan sa amin. Bumalik lang siya nang sabihin naming wa na kami ask ng mga intriguing questions sa kanya.
May kakaibang ningning kaming nakita sa kanyang mga mata nang tungkol sa napapabalitang guwapong foreigner niyang dyowa ang sunod na nausisa namin sa kanya.
“Ando’n siya sa Amerika,” sagot niya. “Hindi pa kami gano’n ka-serious. At hind pa rin kami ulit nagmi-meet nang personal. Chat-chat lang kami sa internet… tawagan, gano’n. Nang pumunta siya rito, one day lang kami nagka-bonding.
“Guwapo siya? Oo. Sobra.”
Paano kaya kung hilingin nito na fly na lang siya sa States at iwan na ang showbiz career niya rito sa Pilipinas at pakasal na lang sila?
“Aba’y kailangang mas malaki ang suweldo niya sa akin. Basta kaya niya akong buhayin nang maayos at bigyan ng anak na sampu! Why not?
“Pero sa kabilang banda, parang nakapagdadalawang-isip din. Kasi lagi ko ring sinasabi na hangga’t kailangan ako ng industriya, hanggang nakapagbibigay ako ng saya at gusto pa rin ako ng tao, dito muna ako.”
Eh, paano na ‘yan kung halimbawa, for the next 20 years ay ramdam niyang kailangan pa rin siya ng industriya at gusto pa rin siya ng marami?
“Eh, ‘di sorry na lang siya,” natatawa na namang sagot ni Pokwang. “Twenty years ako rito. Showbiz pa rin ang pipiliin ko. Kasi, aminin naman natin, ang showbiz ang nakapagpabago ng buhay ko. Kaya mahal na mahal ko ang propesyong ito. Na hindi ko basta-basta maipagpapalit nang gano’n-gano’n na lang sa lovelife.”
Talaga lang, huh!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan