Jean Garcia, na-trauma sa bagyong Ondoy – Lolit Solis

NAKU! PATI PALA Parazzi hindi nakaligtas sa hagupit ng bagyong Ondoy, kaya nawala kami ng isang linggo.

Habang wala pa kayong nababasang Pinoy Parazzi nu’ng nakaraang linggo, hindi naman tumigil ang mga paparazzi namin sa pagkalap ng mga kuwento ng mga taga-showbiz na nabiktima ng bagyong Ondoy.

Halos lahat naman na mga artistang naapektuhan ng baha ay nagsalita na pero ang isa sa tahimik at ayaw talagang magsalita ay si Jean Garcia.

Matinding trauma talaga ang inabot niya dahil ala-una ng madaling araw na sila nakalabas ng bahay nang bumaba na ang tubig baha.

Wala pala talagang pumunta sa kanila para i-rescue.

Sinusubukan ni Jennylyn Mercado na matulungan silang makalabas pero kulang naman sila sa gamit kaya wala rin silang magawa.

Ang kuwentong nakarating sa amin, may ilang tauhan ng isang kilalang pulitiko ang pumunta sa lugar nila ni Jean, sa may Vista Real Classica, Commonwealth para mag-rescue pero may listahan lang daw sila ng mga taong gusto nilang isalba.

[ad#post-ad-box]

Wala sa listahang iyun sina Jean kaya kahit maubos pa ang boses nila sa pagsusumamo na tulungan sila, dedma raw talaga ang mga taong iyun.

Ayaw naman nilang sabihin kung sino ang pulitikong ito dahil ayaw na talagang pag-usapan ito ng aktres.

Pero awang-awa raw sila sa sarili nila dahil pinangakuan lang daw silang babalikan, pero wala naman.

SI JENNICA GARCIA nga ang nag-iisip nang mag-text sa mga kaibigan niya at kamag-anak para magpaalam dahil ang buong akala raw niya katapusan na nila iyun. Mabuti na lang at bumaba ang tubig kaya nakalabas din sila at pansamantalang pinatuloy muna sila ni Jennylyn sa bahay nila.

Hiyang-hiya nga si Jean dahil lahat daw na kapitbahay nito ay dinala niya kina Jennylyn dahil wala naman silang mapuntahan.

Kuwento nga ni Jennica, nagti-text daw sila ng Papa niyang si Jigo Garcia at humihingi raw ito ng paumanhin sa kanya dahil wala itong magawa para isalba sila,

Barangay captain si Jigo ng Barangay Josefa at nu’ng mga oras na iyun ay abala raw sila sa pag-rescue dun sa kanilang lugar, pero ang sarili niyang anak hindi man lang niya maisalba.

Gusto man daw niyang i-rescue ang anak niya at sina Jean ay wala siyang magawa dahil kailangan dadaan pa siya sa mas nakatataas sa kanya. Ang saklap naman nu’n, ‘di ba?

Sa Startalk kamakalawa lang ay nandu’n nga si Jenica sa GMA-7 para tumulong sa repacking ng relief goods, ayaw na niyang pag-usapan iyun dahil maiiyak na naman daw siya. Gusto na raw niyang mag-move on kaya ayaw na niyang balikan ang mapait na karanasang iyun.

Sana raw wala nang kasunod dahil nasunugan na sila noon at buwan din daw ng September iyun, pagkatapos nabahaan naman sila sa buwan din ng September.

Nu’ng Biyernes ay bumalik na sa taping ng Stairway to Heaven si Jean at suportado naman siya ng mga kasamahan niya dun.

Mabuti’t marami naman daw siyang kaibigan na sumusuporta sa kanila ngayon.

Kahit kaawa-awa ang sinapit nila sa nakaraang bagyo, balik-kontrabida pa rin si Jean sa Stairway to Heaven at sana huwag naman daw siya masyadong kamuhian ng mga manonood.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleOgie Alcasid, may benefit concert para sa Ondoy victims – Gorgy’s Park
Next articleAra Mina, ibebenta na ang binahang bahay ng ina – Morly Alinio

No posts to display