Nagsimula bilang teen idol sa youth-oriented na TV show na That’s Entertainment, ngayon ay isa sa pinakamahusay na kontrabida sa mga teleserye si Jean Garcia. Marami ang nainis sa character niya na si Madam Claudia sa telenovela na Pangako Sa ‘Yo sa ABS-CBN. Nang lumipat si Jean sa GMA-7, mas lalong tumingkad ang husay niya sa pagganap na kontrabida.
Maagang napasabak sa showbiz si Jean. Nadiskubre siya sa noontime show na Kalatog Pinggan. Mid-80s nang tila nag-see-saw ang career ng aktres. Pero para kay Jean, mas nakatulong ‘yon sa kanya bilang isang alagad ng sining. Pansamantala, nawala sa limelight ang aktres nang ma-involved siya sa aktor na si Jigo Garcia. Nagkaanak sila, na ngayon ay isa na ring teen star, si Jennica Garcia. Nang magkahiwalay sina Jean at Jigo, nagkaroon ang aktres nang affair sa isang Japanese businessman. May anak din sila, si Kotaro.
Biniyayaan si Jean nang ‘ageless beauty’ kaya naman kahit na mommy na siya ay naging cover girl pa siya ng men’s magazine na FHM last year. In fact, puwede pa silang pagkamalang magkapatid lang ng anak na si Jennica.
Sa Kapuso network, hindi nabakante sa iba’t ibang projects si Jean. Mula 2007 hanggang sa kasalukuyan, nakasama ang aktres sa TV shows na Majika, Atlantika, Mga Kuwento ni Lola Basyang, Impostora, La Vendetta, Dyesebel, Gagambino, All About Eve, at Dear Friend. Nasa cast din si Jean ng newest Pinoy adaptation ng Koreanovela na Stairway To Heaven.
For a time ay naitago ni Jean ang kanyang pribadong buhay sa publiko, maliban nang ma-involve siya sa aktor na si Polo Ravales. May-December affair ang naging relasyon ng dalawa na nauwi rin sa hiwalayan. Maintriga ang break-up ng dalawa.
Alam n’yo ba na naging host din si Jean ng classic noontime show ng GMA-7 na Student Canteen?
The actress’ real name is Jessica Maitim. Ang unang acting award niya ay sa Trudis Liit na Metro Manila Film Festival entry noong 1994. Siya ang itinanghal na Best Supporting Actress that year. Sa telebisyon, taong 2003 nang parangalan siya ng Enpress Golden Awards ng Outstanding Supporting Actress in a Drama Series para sa ABS-CBN TV show na It Might Be You.
Sa kasalukuyan, masaya si Jean sa mga naibibigay sa kanyang trabaho. Hindi man kadalasan ay lead roles, masasabing tumatatak naman sa mga manonood ang bawat niyang pagganap.