PANALO ANG Philippine delegations sa 17th World Championships of the Performing Arts (WCOPA) na ginanap sa Los Angeles, California. Ang Goin’ Bulilit star naman na si Cha-Cha Cañete ay nakakuha ng dalawang silver medals.
Ayon sa ulat ng TV Patrol last Monday, July 22, may limampu’t pitong bansa raw ang naglaban-laban, na kinabibilangan ng halos pitong daang libong performers na nagtagisan sa prestihiyosong WCOPA na binansagang Olympics ng performing arts.
Lumutang daw ang husay ng mga Pinoy dahil halos lahat ng tatlumpung Filipino performers ay kinilala raw sa iba’t ibang kategorya. Walo ang masuwerteng lumaban sa finals na nakakuha ng gold, silver at bronze medals.
Samantala, malaking karangalan naman para sa Kapamilya singer na si Jed Madela na maluklok bilang kauna-unahang Pinoy sa hall of fame ng WCOPA.
Sabi ni Jed, “Nakikita natin na talagang naka-focus lahat ang buong mundo sa Pilipinas kasi siyempre naghakot na naman tayo ng awards.”
Ayon naman sa ulat ng Balitanghali last Wednesday July 24, sinalubong daw ng palakpakan at sigawan sa NAIA 2 ang Team Philippines pagdating nito sa bansa kahapon.
Pinangungunahan ang delegasyon ni Jed na ginawaran nga ng hall of fame award. Si Jed kasi ang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng grand slam na parehong Grand Champion Performer of the World and Senior Grand Champion Vocalist of the World noong 2005.
Kuwento pa ni Jed, “Sobrang saya at sobrang happy na kumbaga ay na-immortalize na ang Team Philippines sa history ng World Championships and umuwi kami lahat siyempre na may mga awards, so I’m really, really happy sa lahat ng suporta na ipinakita ng mga kababayan natin.”
Nakuha naman sa taong ito ng Pilipinas ang dalawang pinakamataas na parangal sa WCOPA, ito ay ang Senior Grand Performer of the Year na nakuha ni Beverly Caimen at Junior Grand Performer of the World na nakuha naman ni Adeza Dela Torre. Ito rin daw ang kauna-unahang pagkakataon na nakuha ng bansa ang grand slam ng parehong senior at junior divisions.
Sure na ‘to
By Arniel Serato