MAGALING NAMAN talaga si Jed Madela. Quality pa lang ng boses, alam mo na talent ‘yun bukod sa katotohanang gift ‘yun from the Above.
Sa mga singer natin ngayon, siya lang yata ang may ganu’n kataas ang pitch ng boses. Hindi lahat ng singers, kayang kantahin ang mga kinakanta niya na matataas na ang pangkaraniwan at mga madadaling kantahin na love songs, keri niyang kantahin na tipong operatic ang version.
Kaya nga sa unang major concert niya sa Music Museum na All Requests ay SRO sa dami ng tao. At sa kanyang All Requests 2 come Friday, September 12, sold out na rin ang tickets. Humihingi nga kami ng complimentary tickets sa production staff ni Jed, pero wala nang maibigay. Baka production pass na lang ang maibabahagi nila dahil maaga pa lang as of August, wala nang mabili. In short, nakatayo kami all throughout the show ‘pag nagkataon.
Siya lang yata ang singer na hindi pa nairaraos ang pangalawang concert, nakatakda na ang pangatlo come November 21 na mas bongga, pagbabalita ni Jed sa amin.
Kahit biritero at bihasa na, would you believe na not all songs ay kering kantahin ni Jed? Kung biritan lang ay kering-eri niya. Mga kantang Pavarrotti or Josh Grovan ay mina-mani lang niya. Pero may mga kanta na mamamaba ang tono, doon siya hirap at kung minsan sumasablay.
One good news about Jed ay ang pagkahirang sa kanya ng National Commission for Culture and the Arts as the official representative para sa OPM Music Industry Sector. He will be part of the Executive Council of the National Committee on Music. Excited siya sa bago niyang trabaho sa national government. Excited siyang makatuwang ang OPM ni Ogie Alcasid at planuhin kung sino ang pwede niya i-recommend para masuportahan ang local talents natin specifically singers na nagsisimula pa lang ng kanilang careers sa industriya.
Isa sa magiging advocacy niya ngayon ay mabigyan ng national government ng suporta ang Pinoy talents na nagko-compete sa ibang bansa.
“Wala kasing support from our government. Kanya-kanyang kayod ang singers natin na gustong mag-compete abroad. Sana, mabigyan ng budget ang Pinoy talents na bibiyahe dahil pagbalik naman nila at nanalo sila, pride natin na mga Pilipino sila,” kuwento ng singer sa amin.
Alam kasi ni Jed ang hirap ng karanasan ng baguhang talented singers. Gustuhin man nilang mag-complete, airfare na lang papunta sa competition venue, walang suporta man lang mula sa ating gobyerno.
Si Jed, bago sumikat at nakilala, mula rin sa international competitions, kung saan mas naging popular siya sa ibang bansa sa simula pa lang ng kanyang career bago siya pumalaot sa local music industry, ay isa sa mga magagaling nating mga singers ngayon.
Kung sa mga kaliga ni Jed sa kantahan, si Christian Bautista kilala na sa Southeast Asia at nakagawa na ng musical TV series sa Singapore, at si Mark Bautista, nagsisimula ng kanyang international career sa London thru a musical play.
Si Eric Santos kaya, papaano? Hindi naman puwedeng pakanta-kanta na lang siya sa ASAP every Sunday at raraket sa shows locally at sa abroad with Pinoy audience.
Ang labanan ngayon kasi, global na.
TULAD NANG naisulat natin dito sa Reyted K, sa mga hindi nakaaalam ang titulo ng bagong horror movie ni Direk Wenn Deramas na Maria Leonora Teresa na ipalalabas come September 17 ay pangalan ng manika nina Nora Aunor at Tirso Cruz III na sinasamba ng mga diehard Guy and Pip fans during the 70’s.
No offence meant or bad intentions kung bakit ganito ng titulo ng latest movie niya. “Dapat gagawin namin ito for TV. “Nai-offer na nga naming ito kay Juday,” kuwento ni Direk Wenn.
“Nagkataon lang kung bakit ‘yun ang title ng movie nina Jodie (Santamaria) at Iza (Calzado),” sabi niya.
“Marahil mas madali ang recall kahit may mga Guy and Pip fans na nag-aalburto ang nakarating sa amin,” aniya pa.
Aminado si Direk Wenn na diehard Noranian siya, puro mga pelikula ni Nora ang nakamulatan niya dahil isang solid Noranian ang ina niya.
Reyted K
By RK VillaCorta