NASA bakuran na ulit ng Viva si Jeffrey Hidalgo na unang nakilala sa bilang miyembro ng Smokey Mountain bago pinasok ang pag-arte at pagdidirek. Pumirma siya ng exclusive contract sa Viva Artists Agency (VAA) kamakailan lang at nakausap namin siya sa isang virtual presscon.
Ayon kay Jeffrey, hindi naman niya tatalikuran ang pagkanta at pag-aartista pero nakatuon daw ang focus niya sa pagdidirek lalo na ngayong nasa Viva na ulit siya.
“Ang dami ko pang gustong gawin as a director. As a singer, I thought na-reach ko na (yung peak). I thought yon na yung peak ko. Okey na ako do’n, happy na ako don, eh,” simulang pahayag ni Jeffrey aming interbyu.
Dugtong pa niya, “As an actor naman kasi never ko din siyang masyadong kinarir — yung pagiging aktor. Kasi di ba, sabi ko nga sa ‘yo when I started acting mas naging interesado talaga ako with what was going on behind the camera.
“But now, I am really more open now to more mature roles, yon talagang totoong mature ha kasi matanda na ako. And at the same time more offbeat roles, I think mas gusto ko yung ganun – more character roles.”
Ibinalita rin sa amin ni Jeffrey na marami siyang pini-pitch na film projects sa Viva at sana raw ay maidirek din niya ang mga ito in the future.
“I really wanna direct and hopefully under Viva I can do that,” excited niyang pahayag.
Mga erotic films daw ang gusto niyang idirek.
“Nagulat ba kayo don?” biro ni Jeffrey na natatawa. “May erotic side din (sa akin), pero more than that it’s also one of the genres that I really enjoy watching.
“Hindi dahil sa kung anuman, but I like the art of it, eh. At saka para sa akin kasi may ano… may mga erotic films na bastos, may mga erotic films na artistic.
“Siyempre gusto ko yung artistic na film, ayoko ng… basta may mga napapanood ako sa Netflix na parang soft porn na. Hindi ganun yung gagawin ko, hindi ganun. Gusto kong ibalik yung mga tipong Unfaithful, Body Heat, yung mga ganung klaseng pelikula, hindi yung… Ayoko nang mag-name drop nung mga pelikula sa Netflix na parang soft porn, hindi ganun yung gusto kong gawin,” tuluy-tuloy pa niyang paliwanag.
Samantala, ang pelikulang Silong na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Rhian Ramos noong 2013 ang directorial debut ni Jeffrey. Ngayon ay may bago na naman siyang idinirek na pelikula – ang General Admision — na pinagbibidahan nina Jasmine Curtis at JC de Vera. Mapapanood ito sa streaming platform na Ktx.PH at iWantTFC.