UMUSAD NA ang kasong Concubinage at paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act na isinampa ng actress-vlogger na si Jelai Andres laban sa estranged husband na si Jon Gutierrez na kilala rin bilang si King Badger.
Kaagad namang sumuko si King Badger sa Quezon City Regional Trial Court nang matanggap ang warrant of arrest at naglagak din kaagad ng piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Binasahan naman ng sakdal ng korte si King Badger na isa ring sikat na vlogger at miyembro ng grupong Ex-Battalion nitong March 17, 2021.
Si King Badger ay idinemanda ni Jelai noong 2021 dahil sa umano’y pakikiapid nito sa YouTuber at TikTokerist na Juliennes Vitug a.k.a. Yumi Garcia, na noon ay menor de edad pa lamang.
Ayon kay Jelai ay dapat turuan ng leksyon ang dating asawa at ang nakarelasyon nito para hindi na tularan ng iba. Hinding-hindi rin daw niya iuurong ang isinampang kaso laban sa dalawa.
Aniya, “Ang kasal ay isang sakramento, wag nating gawing normal ang pakikiapid. Nawa’y maging isang leksyon ito sa mga may mister na pasaway at sa mga babaeng walang pakundangan makipagrelasyon sa mga lalaking alam naman nilang may asawa at mas matatapang pa sa tunay na asawa.”
Ayon sa abogado ni Jelai na si Faye Singson, dapat maparusahan ng batas ang dating asawa ng aktres at ang nakaapid nito.
“Nararapat lamang lang na makamit ni Jelai ang hustisya’t katarungan sapagkat hindi naging madali ang pinagdaanan niya. Tunay ngang siya ay nahirapan, at matinding trauma ang naranasan niya dahil sa sakit na dulot ng pagtataksil ni King Badger at Yumi,” ani Atty. Singson.
Samantala, kaugnay nito ay nag-file din ang kampo ni Jelai ng motion for issuance of hold-departure order laban kay King Badger na isa umanong UK passport-holder.
Kasalukuyan na ring nasa proseso ang annulment na sinampa ni Jelai sa dating asawa.
Wala pa namang inilalabas na pahayag si King Badger tungkol sa nasabing kaso.