HOW TRUE ang nasungkit naming balita na nagpi-primadonna na raw sa set ng kanilang show ang starlet na si Jennica Garcia? May insidente nga raw na sobrang arte nito at ayaw na may kasama sa dressing room at ang gusto ay mag-isa lamang siya.
Especially kapag hindi niya kilala ang artistang nasa dressing room na nauna sa kanya ay tiyak na hindi raw ito makiki-share at magpapahanap ng ibang room na siya lang mag-isa o kasama ang mga artistang kilala nito o kaibigan niya.
At kapag hindi raw napagbigyan ang gusto nito, sisimangot na lang ito at apektado ang trabaho nito. May insidente pa nga raw na kapag may kausap ito sa telepono, kahit ilang beses na raw itong tinatawag para sa kanyang eksena ay nagtetengang-kawali lang daw ito at parang walang narinig at diretso sa pakikipag-usap sa telepono at pupunta lang sa set ‘pag tapos na ang pakikapag-usap niya, at ni sorry ay walang matatanggap ang staff sa ginawa nitong pagpapahintay.
Kinabog pa raw nito sa pag-a-attitude ang mga tunay na reyna ng GMA-7 na sina Marian Rivera, Sunshine Dizon, Carla Abellana, at iba pa na ‘di hamak na mas may karapatang mag-inarte at mag-primadonna.
Siguro kapag may napatunayan na ito, like top-rating ang kanyang solo soap o kaya sangkaterba na ang acting awards nito, baka puwede na itong mag-primadonna. Pero kung wala pang napapatunayan, eh tumigil sa pag-iinarte. Baka ang ending, mawalan ito ng proyekto at wala nang artista na gusto siyang makasama. ‘Di ba?
MUKHANG TAON ng tinaguriang Twitter Sensation at Internet Sensation na grupong UPGRADE na kinabibilangan nina Kcee Martinez, Rhem Enjavi, Ron Galang, Raymond Tay, Armond Bernas, Mark Baracael at Miggy San Pablo dahil sa dami ng pumapasok na shows sa mga ito.
Katulad sa May 15, nasa Resorts World ang mga ito; May 17 – SM Manila; May 18 – Gate 8, Parola, Tondo, Manila; May 19 – SM Apalit; May 21 – Northstar Mall, Ilagan Isabela; May 22 – Xentro Mall, Santiago, Isabela; May 23 – Resorts World; May 24 – Walang Tulugan with the Master Showman Taping; May 26 – Grand Music Palace Concert , Peta; May 29 –Montalban Town Center; at May 31 – Neo Calapan Mall.
Nakatakda ring mag-sign ang grupo sa isang top recording company sa bansa, at after signing ay uumpisahan na ng UPGRADE ang pagre-record ng kanilang kanta para sa kanilang kauna-unahang album.
TULUYAN NA ngang iiwan ng tween star na si Hiro Magalona ang kanyang surname dahil sa kanyang bagong show sa Kapuso Network na remake ng dating show na nagpasikat sa loveteams nina Sunshine Dizon at Polo Ravales, Antonette Taus at Dingdong Dantes at Kim Delos Santos at Dino Guevarra ay Hiro Peralta na ang kanyang gagamiting screen name.
Okey lang naman daw kay Hiro na palitan ang kanyang screen name lalo na’t ang mga bossing ng GMA-7 ang may gusto nito, para na rin daw mawala na ito sa shadow ng kanyang pinsang si Elmo Magalona.
Makakapareha ni Hiro sa Anna-karennina ang mahusay na tweenstar na si Joyce Ching , samantalang makakasama naman ng mga ito sina Barbie Forteza, Krystal Reyes, Julian Trono at Derrick Monasterio.
Ayon nga kay Hiro, wish daw nito na tanggapin din ng mga tao ang tambalan nila ni Joyce na unang kinakitaan ng kilig sa Tween Hearts nang maging ka-love triangle ito nina Joyce at Kristoffer Martin.
John’s Point
by John Fontanilla