Jennylyn Mercado, may poot pa kay Patrick Garcia by Ogie Diaz

BA’T NGA GANO’N ang buhay, ‘no? Mas nararamdaman natin ang halaga o importansiya ng isang tao ‘pag siya’y wala na’t sumakabilang-buhay na?

Tulad ni Tita Cory na kinikilabutan kami, dahil sobrang ang daming nagmamahal sa kanya. Nu’ng siya’y ma-detect na may colon cancer, walang patid ang pagdarasal ng mga nagmamahal sa kanya na sana’y ma-extend ang buhay niya.

Ang nakakatuwa, handa si Tita Cory. Na-accept niya agad. Kaya naman sa mga nalalabing sandali ng kanyang buhay, ginugol pa rin niya ito para sa bayan. Actually, sa pagdarasal para sa bayan.

Imagine, kahit sa huling sandali ng buhay niya, ang buong bayan pa rin ang kanyang inaalala? Normal na sa kultura nating mga Pinoy na ang isang dying ay iisipin, “Pa’no na ang aking mga anak? Ang aking mga apo? Ang mga mahal ko sa buhay?”

Si Tita Cory, ibang klase. Kung ano si Ninoy, ‘yun din siya. Bayan ang kanyang inaalala, tulad ng pag-aalala ni Ninoy sa atin kahit nasa ibang bansa pa ito.

Sana, lahat ng namumuno sa atin, bayan ang isipin, ‘no? Kaya namang gawin ‘yon, eh. Ayaw lang ng iba. Mas iniisip nila ang sarili nilang pamilya, ang sarili nilang interes.

Kaya naman ‘pag sila’y nawala sa mundo, saglit lang silang mami-miss ng mga tao. Na baka nga ‘pag namatay sila, magpasalamat pa ang karamihan.

Sana, itong pagpanaw ni dating pangulong Aquino na isang malaking kawalan sa ating bansa ay magsilbing tulay para ‘wag maging makasarili at isipin pa rin ang kapakanan ng bayan.

After all, nangangarap din tayong maging isang “Tita Cory” kahit 50% lang niya, ‘di ba?

Oo, alam naming malabong ma-achieve natin ang “100% Tita Cory,” pero hindi masamang mag-try, ha?  Basta nandu’n lang ang pagnanais mo na mag-try, ‘di ba?

BILIB NAMAN KAMI rito sa aming kumareng si Marissa Sanchez. Juice ko, dibdiban talaga ang rehearsals niya para sa Love Is Still A Thing benefit concert niya sa Music Museum on Aug. 8.

“Papa Ogie, alam mo ba, sumasakit na ang katawan ko sa kare-rehearse, dahil bubuhat-buhatin ako dito, tapos, me cart wheel pa ‘ko. Tapos, merong isang video na kung ano ‘yung nasa video, kailangang masabayan ko.

“Kalokah nga, eh. Pero okay lang, kasi, gusto ko naman ‘to. It’s not the talent fee. Maliit lang, pero alam mong ang proceeds eh, mapupunta naman sa kawanggawa, masaya na ‘ko no’n.”

Meron lang bilin si Marissa, “Papa O, pakiusap naman. ‘Wag kang manonood, ha? Alam mo namang ‘pag nakikita kita sa audience, nako-conscious na ‘ko, nahihilaw na ang performance ko!”

Ipinangako namin kay Marissa na hindi kami manonood, dahil pag “nahilaw” ang concert niya, eh, hindi namin pinangarap na kami ang masisi ng mga taong masusuportahan ng kikitain ng concert na ito.

KUNG PATULOY PA ring ipinagdadamot ni Jennylyn Mercado ang kanyang baby kay Patrick Garcia, naiintindihan namin. Hindi rin kasi namin alam kung saan nanggagaling ang poot sa dibdib ni Jen ke Patrick at sa pamilya nito.

Malay rin naman natin kung masyadong na-hurt si Jen noon sa family ni Patrick kung totoong pinagdudahan nilang si Patrick nga ang ama.

Anyway, sasabihin lang namin dito ke Jen na sana, sa paglaki ng bata, ‘wag niyang i-deprive ang bata sa pagmamahal ng isang ama. Relasyon na ng mag-ama ‘yon, labas na siya roon.

After all, and at the end of the day, ang anak pa rin nila ang huhusga kung gaano kabuti o kasamang magulang ang kanyang mommy at daddy, ‘di ba?

NANANAWAGAN SI GERALD Madrid sa Generali Pilipinas kung saan dito siya kumuha ng car insurance. “Ayun, awa ng Diyos, nakatengga pa rin ang kotse ko, ang dami-dami pa nilang iniimbestigahan.

“Next time talaga, mag-iiba na ‘ko ng insurance company. Ang tagal-tagal nilang magproseso, grabe. Nabangga ako, duda pa yata sila.”

Sa People’s General Insurance Corporation kami palagi. Maganda kausap, in fairness. ‘Di ba, Mama Fely dela Cruz?

‘Wag n’yong kalilimutang makinig palagi sa Wow! Ang Showbiiiz! sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12nn.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleHeart Evangelista, ‘di na babalikan ni Jericho Rosales! by Pilar Mateo
Next articleJohn Regala, atat makalaplapan si John Lloyd Cruz by Archie de Calma

No posts to display