HINDI IKINAILA ni Jennylyn Mercado na hindi niya alam kung paano huhusgahan ang mga mapalad na 35 hopeful candidates ng Starstruck 6. Produkto rin ng Starstruck noon 2003 si Jennylyn kung saan siya ang tinanghal na Female Ultimate Survivor.
Ipinaalala ni Jen sa 35 hopeful candidates na hindi madali ang pinasok at sinalihan nilang reality artista search. Kailangang matibay ang loob at hindi susuko sa lahat ng pagsubok na ibibigay ng mga magtuturo sa kanilang pag-arte, pagkanta, pagsayaw, at pakikitungo sa iba’t ibang tao sa showbiz.
Naalala nga raw ni Jennylyn ang mga matinding hirap na pinagdaanan niya noong sumabak siya sa nasabing reality artista search.
“Sixteen lang kasi ako noon. Hindi ko alam ang pinasok ko. Akala ko ay madali lang siya. Naisip ko nga na mag-back-out, pero dahil nandoon na rin lang ako kaya itinuloy ko na rin. Nahirapan ako sa mga challenges namin pero pinagtiyagaan ko. Ang pinakamahirap ay ‘yung dancing challenge. Doon talaga namin naranasan ang masigawan at mapiga nang husto sa pagsayaw. In the end naman, okey ang lahat kasi marami kaming natutunan na hanggang ngayon ay nagagamit ko pa rin,” pagtatapat ni Jen.
Nagbunga naman ang kanyang mga hirap dahil siya ang kauna-unahang tinanghal na Female Ultimate Survivor ng Starstruck. At sa season nga ngayon ng Starstruck 6 ay magsisilbi siyang isa mga Starstruck Council with Joey de Leon at Ms. Regine Velasquez-Alcasid.
“Actually, hindi ko alam kung paano sila i-judge. First time ko itong gagawin kaya good luck sa kanilang lahat. Advice ko lang, ipakita nila ang makakaya nila. Huwag silang susuko. Laban lang nang laban hanggang sa huli. Makikita nila na it’s all worth it,” pagtatapos ni Jen.
Samantalang nominado si Jen sa tatlong katergorya sa darating na 7th PMPC (Philippine Movie Press Club) Star Award for Music namely, Album of the Year, Pop Album of the Year and Female Pop Artist of the Year para sa kanyang Never Alone album under GMA Records.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo