MALAKING BOOST nga raw ang pagkapanalo ni Jennylyn Mercado ng Best Actress sa nakaraang Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival para sa pelikulang English Only, Please. Sabi nga, baka manalo pa siya ng award sa iba’t ibang award-giving bodies. Ayaw naman daw niyang mag-expect. Pero kung mangyayari nga raw, hindi matatawarang kaligayahan ang mararamdaman daw niya.
“Ayokong mag-expect. Tulad noong MMFF awards night, wala akong inaasahan talaga. Nandoon lang ako talaga to support our movie at ang MMFF. Tapos nakagugulat nang manalo ako. Kaya mas masarap ang ganoong feeling. ‘Yung wala akong inaasahan tapos masu-surprise ka. Iba ‘yon,” nakangiting say ni Jennylyn.
Sa tanong naman kung bakit wala siyang manliligaw hanggang ngayon, rest muna raw siya pagdating sa tawag ng pag-ibig dahil may iba pa raw siyang priorities.
“Totoo, mas masaya ako ngayon na single mom. Wala talaga. Kung may dumating, why not? Basta may maramdaman ako and I feel na it’s time, siguro ‘yun na ‘yon. Sa ngayon, wala pa talaga. Ini-enjoy ko ang maging mag-isa muna. Talaga, mag-isa,” natatawang say pa ni Jen.
Samantalang malaki raw ang pasasalamat niya kay Derek Ramsay dahil sa paghihikayat sa kanya na maging partner nito sa English Only, Please at siyempre sa kanilang producer na nagtiwala raw sa kanya para gampanan ang role na dapat sana ay kay Angeline Quinto. Kung nagkataon na hindi naging busy si Ms. Quinto at that time na ginagawa ang nasabing movie ay walang Jennylyn na tinanghal na Best Actress.
SINU-SINO KAYA sa mga tsikiting na bida sa Mga Batang Yagit na kasalukuyang inaabangan araw-araw sa GMA 7 na idinidirek ni Gina Alajar ang magiging big star sa hinaharap. Matatandaang ang mga naging big star ay nagdaan din sa pagiging child star at ‘yung iba nga ay naging extra muna pero nabigyan ng break sa showbiz.
Ayon kay Direk Gina, sa ngayon ay wala siyang itulak-kabigin sa mga tsikiting ng Yagit. Lahat kasi ay magagaling umarte, kahit na sila ay mga baguhan pa lang ay parang mga bihasa nang umarte sa harap ng camera.
Inamin din ni Direk Gina na maging siya ay nagugulat sa ipinakikitang professionalism at husay ng mga bata kapag sila ay nagte-taping ng Yagit. Naglalaro kapag may free time, pero kapag take na ay seryoso na raw ang tsikiting at alam na alam na ang kani-kanilang gagawing sa eksena.
Ayon pa kay Direk Gina, definitely ay malayo raw ang mararating ng mga tsikiting na bida sa Yagit.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo