NAGYONG BIYERNES na ang last episode ng Rhodora X. Ang isa main cast nito na si Yasmien Kurdi, ginagarantiyang magiging higit na kaabang-abang ang huling week ng pagpapalabas ng nasabing primetime series ng GMA na pinagbibidahan ni Jennylyn Mercado.
“‘Yong hindi ninyo ini-expect, iyon ang magiging pagtatapos,” aniya. “And I think… siguro matutuwa kayo na maba-bother kayo. Parang magugulat kayo siguro sa ending. Hindi ko lang puwedeng i-reveal kung ano ba talaga ang mga mangyayari. Panoorin na lang ninyo.”
Maganda raw ang itinakbo ng working relationship nila ng lahat ng cast. Lalo na raw silang tatlo nina Mark Herras at Jennylyn na mga nakasama rin niya dati sa Starstruck Batch 1.
Nitong Sunday night (May 25) nga rin ay nagkaroon sila ng farewell party na ginanap sa Space. Na si Yasmien mismo ang nag-organized.
“We are celebrating for the friendship and also ‘yong… successful ang show namin. Dahil sa Rhodora X, naka-meet kami nina Mark at Jen ng more friends. We become closer. Mas marami kaming na-discover with each other.”
Lately ay napag-uusapan na parang sweet ulit sa isa’t isa sina jennylyn at Mark. Sa tingin ni Yasmien, nagkakamabutihan na nga ba kaya ulit ang mga ito?
“Hindi ko alam. Lagi lang silang sweet. Tapos ‘pag magpi-picture silang dalawa, ayaw nila akong isama. So, hindi ko talaga alam.”
Wala siyang kakaibang nau-obserbahan kapag magkakasama silang tatlo nina Jennylyn at Mark?
“Ang nau-observe ko sa kanila, minsan like ‘yong sa dressing room ni Jen pupunta si Mark. And then magsi-selfie-selfie silang dalawa. So, gano’n,” sabay ngiti na lang ni Yasmien.
Pagkatapos ng Rhodora, may next project na ba siyang gagawin sa GMA?
“Ang balita ko… Yagit. Pero ano kasi, ooperahan pa ‘ko. Next week na ang schedule ng operation ko. So, magri-rest ako for a month.”
Anong klaseng operasyon ang gagawin sa kanya?
“Parang ii-slice nila ‘yong vocal chord ko. Para matanggal ‘yong cyst. Pagkatapos nito, hindi yata ako puwedeng magsalita for a month. Ewan ko. Pero may check-up po ulit ako bago ‘yong mismong operation. At do’n ko malalaman talaga ‘yong final kung ano nga bang operation ang gagawin ng doctor sa akin.”
Sa St. Luke’s Medical Center gagawin ang nasabing operasyon. Kinakabahan daw si Yasmien kaugnay nito.
“Siyempre, career ko ang nakasalalay, e. Hindi ko alam kasi kung may magiging epekto ba ito sa voice ko. Pero kailangang operahan. Kasi masakit siya, e. After New Year ko pa ito iniinda. Kaso nag-Rhodora X ako. E, hindi naman puwedeng kalagitnaan ng Rhodora X mawawala ako, ‘di ba?
“Pero… positive pa rin ako about it. Siyempre hindi naman ako puwedeng maging sad. And siyempre nandiyan naman ‘yong support ng family ko sa akin. Magiging okey din ako,” ending na naging pahayag ni Yasmien.
UMABOT NA ng Platinum ang first album nina Tom Rodriguez at Dennis Trillo na Tom-Den. Ini-award ito sa kanila sa Sunday All Stars (SAS) kamakailan.
“No’ng nag-gold, okey na sa amin ‘yon, e,” ani Dennis. “Tapos ginulat na lang kami ulit na naka-Platinum na pala.
Pahayag naman ni Tom… “Nakakataba ng puso. Sobra! Dahil sa suporta nila (fans ng Tom-Den) ito. Kaya nagpapasalamat kami sa kanila.”
Tumatak sa viewers ang pagiging lovers nila na “Bhe” pa ang kanilang tawagan sa My Husband’s Lover.
“Brother na ngayon!” natawang sabi ni Tom. “Brod na muna! Hahaha!”
Pero sakaling may kasunod na silang gagawing project, ano kaya ang mas preferred nilang role?
Sagot ni Dennis… “Ako, gusto ko action, e. Gusto namin ni Tom pareho, action naman. Para iba naman. Pero sa ngayon, meron kaming kanya-kanyang mga projects muna. Ako, meron akong Cinemalaya Director’s Showcase 2014,” ani Dennis. “Action na pelikula under Direk Mike Tuviera. Tapos magsisimula na rin kami for Sa Puso Ni Dok. Sa GMA News TV naman ito, kasama ko si Bela Padilla.”
Si Tom naman, masaya raw na showing pa rin at nasa third week na ang pelikulang So It’s You nila ni Carla Abellana.
Nagsimula na ring umere ang bagong serye ng GMA na Niño kung saan isa rin siya sa cast.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan