INILIBING NA NU’NG isang araw ang kuwento na minsan ay nagpunta ang kinagisnang ina ni Jennylyn Mercado, si Mommy Lydia, sa opisina ni Senador Bong Revilla, Jr. sa Senado para manghingi ng pampinansiyal na tulong.
Nagbigay raw naman ang senador, kaya biglang kumalat ang isyung may relasyon sila ni Jennylyn, isang kuwentong kahit kailan ay hindi man lang nilinaw ng batang-ina para sana’y hindi na kumalat na parang apoy ang kuwento.
Hinamon ng mga empleyado ni Senador Bong ang mga nagkakalat na sabay-sabay nilang tingnan ang logbook ng guwardiya sa ibaba, isama na rin nila ang mismong logbook sa opisina ng senador, para malaman nila kung totoong nagpunta nga du’n ang ina ni Jennylyn para manghingi ng ayudang pampinansiyal.
Nakatala sa logbook ang lahat ng mga bisita ng senador, pati na ang mga transaksiyong nagaganap sa apat na sulok ng opisina, du’n malalaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nag-iimbento lang.
Patotoo ni Portia Ilagan, ang kaibigan naming pinagkakatiwalaan ni Senador Bong, “Our records will prove and show that Jennylyn’s mom never went there to ask for some financial assistance, it never happened!”
Kung bakit naman kasi itong si Jennylyn Mercado, napakadaldal ng babaeng ito at patulera sa kung anu-anong katsipang isyu, pero kahit minsan ay hindi ito naglaan ng panahon para liwanagin ang mga kumakalat na kuwento sa pagitan nila ng senador.
Gusto na tuloy naming maniwala sa bulong ng isang kasamahan sa trabaho na mas may isyu tungkol sa kanya ay mas masaya si Jennylyn para hindi ito mawala sa sirkulasyon.
“Naku, ikinatutuwa niya ang mga ganyang kuwento, hindi niya agad papatayin ‘yan! Masyadong matakaw sa publicity ang babaeng ‘yan!” puna ng aming kasamahang manunulat.
At mukhang totoo nga ang obserbasyon, kung anu-anong isyu na ang lumalabas tungkol sa kanila ni Senador Bong, pero prenteng-prente lang si Jennylyn.
Salamat sa logbook ng mga guwardiya sa Senado sa unang palapag ng gusali, salamat din sa mismong logbook sa opisina ni Senador Bong, kundi dahil du’n na nagpapatotoong walang katotohanan ang kuwento ay patuloy pa sanang nananagana si Jennylyn Mercado sa isyu.
In My Life Cast, umalis patungong Amerika
UMALIS NA KAGABI papuntang Amerika at Canada si Governor Vilma Santos para sa international screening ng matagumpay niyang pelikulang In My Life. Nauna na sa kanya sina John Lloyd Cruz at Luis Manzano, dumalo muna ang dalawang aktor sa anibersaryo ng TFC, du’n na lang sila magkikita.
Masusuwerte ang mga kababayan nating matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Los Angeles, San Francisco, New Jersey, Calgary at Toronto, Canada, dahil personal nilang makikita ang mga bida ng pelikula habang pinanonood nila ang obra ni Direk Olive Lamasan.
Inayos munang lahat ni Governor Vilma ang kanyang mga kompromiso sa Batangas bilang ina ng probinsiya, matagal na siyang nagpaalam sa kanyang mga nasasakupan na kakambal ng paggawa ng pelikula ang promo sa ibang bansa, walang narinig na reklamo ang aktres-pulitiko sa kanyang mga kababayan.
Sabi ni Governor Vilma nu’ng huli namin siyang nakakuwentuhan sa telepono, “Bago ako tumanggap ng anumang project, inuuna ko muna ang pagbibigay ng respeto sa mga constituents ko.
“Nagpapaalam ako sa kanila, ipinaliliwanag ko sa kanila na bago ako pumasok sa mundong kinabibilangan ko ngayon, artista muna ako. Totoong-totoo, nami-miss ko ang pag-arte, nami-miss ko ang showbiz, talagang hindi ako puwedeng ilayo nang basta-basta sa mundong unang minahal ko,” pahayag ng maganda pa ring Star For All Seasons.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin