UMUWI KAHAPON NANG umaga sa GenSan si Manny Pacquiao, pero pabalik na uli siya sa Maynila ngayon. Isang gabi lang siyang natulog sa mahal niyang bayan. Nagbigay-pugay lang si Pacman sa kanyang mga kababayan na walang pagdadamot na sumuporta at nagdasal nang walang humpay para sa kanyang tagumpay.
Nagsasalimbayan sa magkabilang kalye ang mga tarpaulin ng pagbati sa matagumpay na anak ng GenSan. Kani-kaniyang paraan ‘yun ng pagbati. Kaya lang, bumuhos naman ang malakas na ulan nu’ng dumating siya.
Hindi man kutsilyong nakasusugat ang patak ng ulan, natural lang na kani-kaniyang silungan na ang mga kababayan ni Pacman. Biglang luminis ang mga kalye, kaya naantala ang kanyang motorcade mula sa airport paikot sa buong siyudad.
‘Yun naman ang maganda kay Manny, sa Amerika pa lang kapag iniaayos na ang mga pupuntahan niyang lugar pagdating niya sa Pilipinas, palagi niyang ipinaglalaban ang GenSan.
Sasabihin niya sa umaayos ng kanyang itinerary, “Pagkatapos ng courtesy call sa Malacañang, saka ng motorcade, uuwi agad ako sa probinsiya namin para naman mapasalamatan ko ang mga tagaroon.”
Ilang beses namin siyang naringgan ng ganu’ng pakiusap, hindi kinalilimutan ni Pacman ang kanyang ugat, palaging mahalaga para sa kanya ang General Santos City kung saan sila lumaki at nagkaisip.
Isinisingit niya talaga ang pag-uwi sa GenSan dahil kung susundin ang mga nakaplantilya na niyang kompromiso rito sa Maynila, wala nang butas ‘yun.
Sarado na ang bawat araw niya, meron nang may-ari ng kanyang panahon, kaya hindi pa rin nagkakaroon nang sapat na pahinga ang Pambansang Kamao mula nu’ng patumbahin niya sa lona si Ricky Hatton.
May bagong posisyong ipinagkatiwala ang gobyerno kay Pacman, siya ang inaatasan ngayon na magpalaganap ng katahimikan at pagkakasundo sa mga nagbabangayang pulitiko, tingnan natin kung paano niya gagampanan ang bagong papel na ipinagkatiwala sa kanya.
MARAMI NANG MANHID sa kuwentong nawawala si Jennylyn Mercado. Nakalulungkot ngang isipin na baka totoo nang may kung anong naganap sa kanya, pero ang pagtanggap du’n ng mas nakararami ay isang gimik pa rin.
Kung totoo ngang gimik lang ang lahat, napakasarap dagukan ng nakaisip ng kuwentong ‘yun. Marami na ngang nagdududa sa mga istoryang may kinalaman kay Jennylyn, tapos ay ganito pa ang mangyayari?
Naghahanap ngayon ang manager at ang talent, hindi raw alam ni Becky Aguila kung saan nandu’n ang alaga nito, kahit daw ang ina ni Jennylyn ay alalang-alala na rin kung saan napadpad ang dalagang-ina.
Maligalig ang buhay ng aktres na ito. Kung minsan tuloy, totoo na ang kanyang mga sinasabi, pero napakarami pang nagdududa, dahil sa mga kuwentong ganito na hindi mo alam kung saan nila hinuhukay ang ugat.
Kahit si Patrick Garcia, nu’ng tanungin bago ito umalis papuntang Europe para sa isang bakasyon, hindi na nagkomento. Sanay na siguro ang aktor sa mga ganu’ng kadramahan ni Jennylyn.
Napangiti na lang si Patrick, saka napailing. ‘Yun ang sagot na malinaw pa sa sikat ng araw ang ibig sabihin.
Nakapanghihinayang si Jennylyn Mercado. Hawak na niya sa kanyang mga kamay ang katuparan ng isang pangarap na panaginip lang para sa iba, pero hindi pa niya ‘yun inaalagaan.
Ang dami-daming nangangarap na kabataan ngayon. Kapag nananawagan ang ABS-CBN para sa kanilang audition, sarado ang mga kalye sa paikot ng istasyon, isang senyal na napakaraming kabataang nangangarap na mag-artista.
Pero heto si Jennylyn, nasa kanya na ang katuparan ng pangarap na ‘yun. Kailangan na lang niyang alagaan ang popularidad na regalo sa kanya ng kapalaran pero parang nilalaro lang niya.
Huwag naman sanang bawiin ‘yun sa kanya ng tadhana para ipahiram naman sa iba.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin