NASANAY ang fans ng real and reel couple na sina Jerald Napoles at Kim Molina (o KimJe) na nagpapatawa ang dalawa. Nagkadebelopan ang dalawa nang gawin nila ang hit musical play na ‘Rak of Aegis’, na naging daan para tuluyan nilang pasukin ang pag-aartista.
Parehong nahanay muna sa supporting roles ang dalawa. For a long time ay nasa bakuran ng GMA si Jerald habang si Kim naman ay nasa ABS-CBN.
Nagkaroon ng fanbase ang kanilang tambalan nang gawin nila ang 2019 sleeper hit na ‘Jowable’. Nasundan pa ito ng ‘Ang Babaeng Walang Pakiramdam’ at ngayon ay palabas na sa Vivamax ang ‘Ikaw at Ako at ang Ending’.
Kung ang first two movies nila with Darryl Yap ay nasa comedic side, ibang Jerald at Kim naman ang aming napanood sa ‘Ikaw at Ako at ang Ending’ na mula naman sa panulat at direksyon ni Irene Villamor.
Ang pelikula ay tungkol sa dalawang tao na nagkakilala sa isang resort sa Ilocos. Isang runaway bagman ng isang pulitiko si Martin (Jerald Napoles) na gusto nang magbagong-buhay, habang si Mylene (Kim Molina) naman ay isang hotel staff na may tinakbuhang nakaraan at piniling manirahan na lamang sa mas tahimik na lugar. Nagkrus ang kanilang landas at dito nila napagtanto na kailangan nila ang isa’t isa. A love story developed in time of the Covid-19 pandemic, baka nga naman ito na ang end of the world, ‘diba? It’s now or never!
Alam namin na magagaling na artista sina Jerald at Kim, pero nabigla pa rin kami sa mga ginawa nila sa pelikulang ito partikular ang love scene nila na tingin namin ay pumayag lang si Kim na gawin dahil ang nobyo naman niya ang kanyang kapares. Kitang-kita mo ang intensity ng kanilang nararamdaman para sa isa’t isa bilang Martin at Mylene. Hayok kung hayok. Laplapan kung laplapan!
May kanya-kanyang shining moments din sila. Paborito namin ang eksena kung saan kinakanta ni Kim Molina ang ‘Kahit Na’ ni Sharon Cuneta habang sumasayaw sila ni Jerald at ito’y may iniindang sakit sa kanyang puso. Highlight para sa amin na eksena ni Jerald ang dalampasigan moment niya nang malaman ang sikreto ni Mylene.
Kung bet ninyo ang mga runaway love stories, pampatanggal-umay sa usual kilig romcoms o ‘di kaya’y not-too-revealing romance movie, panoorin niyo na ang bagong handog ng KimJe tandem. No wonder nanguna ito kaagad sa Vivamax at tinalo ang ‘Revirginized’ ni Sharon Cuneta.