Jericho Rosales, ayaw munang pag-usapan ang tungkol sa girlfriend

ILANG BESES na naming nakausap si Jericho Rosales at sa tuwing nai-interview na-min siya ay tinatanong namin ang binata tungkol sa kanyang lovelife. Noong una, inamin niyang may dini-date siyang non-showbiz girl, pero ayaw muna niyang i-detalye ito.

At sa pictorial naman ng Yesterday Today Tomorrow, sinabi ni Echo na sa Pasko na lang daw siya magbibigay ng detalye tungkol sa nagpapasaya ng kanyang puso sa ngayon.

At sa presscon naman ng MMFF noong Martes lang, inihayag na ni Echo ang identity ng girl na nagpapasaya sa kanya. Isa raw itong half-Pinoy at half-British, pero ayaw pa rin niyang magbigay ng kumpletong detalye ng kanyang pagkakakilanlan. Mas maigi raw na sa Valentine’s Day na raw ito pag-uusapan. Mas gusto raw muna niyang pag-usapan ang kanyang mga proyekto katulad na lamang ng MMFF niyang Yesterday Today Tomorrow, ang kaisa-isang drama film sa festival.

Well, sige mag-aantay na lamang kami, Echo, kung kailan ka na kumportableng pag-usapan ang iyong natatanging irog. Irog daw, oh!

NAKAUSAP NAMIN ang stand-up comedian na si Rommel Chika sa presscon ng MMFF noong nakaraang Martes at tsika nito sa amin, sobrang ganda raw ng kuwento ng ‘Ritwal’ na entry nila sa New Wave category. Pinagbibidahan ito ni Maria Isabel Lopez at nang baguhang si Kenjie Zaballa sa direksyon ni Yeng Grande.

Ayon pa kay Rommel, maraming mangyayaring twists sa pelikula na tumutuon sa faith healing. Dagdag pa niya, pang-award daw ang acting niya rito at ibinuhos daw niya lahat alang-alang sa sining ng pelikula. Wow, ikaw na Rommel!

SABI NG iba, unti-unti nang nakakalimutan ng mga Pinoy ang action films sa bansa. Kaya siguro maraming mga stuntmen ang bibihira na ring makaraket  sa mga pelikula. Kaya naman nabuhayan ng pag-asa ang mga maliliit na tao sa industriya nang gawin ni Governor ER Ejercito ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.

Nakakuha ng ‘A’ rating ang pelikula sa Cinema Evaluation Board, kaya naman umaasa ang karamihan na ito na ang hudyat na muling sisigla ang mga pelikulang aksyon sa pinilakang tabing.

At pinatunayan ng pelikula ang natatangi nitong ganda sa premiere night nito noong Sabado sa SM Manila na dinagsa ng mga tao at maraming eksena si Governor ER na pinalakpakan.

Marami ang nagsasabing posible itong maging best picture sa gabi ng parangal.

Goodluck!

 
Sure na ‘to
By Arniel Serato

Previous articleMga taga-Tondo, dismayado sa 1 kilong NFA rice, 2 noodles at 3 sardinas Kris Aquino, namigay ng regalong relief goods!
Next articleHeart Evangelista, handang gumawa ng hakbang para magkaayos sila ni Marian Rivera!

No posts to display