OFFICIAL ENTRY ang Muslim, Magnum 357 ni ER Ejercito sa Metro Manila Film Festival this December 25. Remake ito ng action film ni Fernando Poe, Jr. Naging tradisyon na niyang gumawa ng pelikula every year. Malaking impluwensiya sa kanya ang ninong niya sa kasal si ‘D King para ipagpatuloy ang paggawa ng mga classic action films.
Makabuluhan at puro historical films ang mga pelikula ni ER tulad ng Manila Kingpin (The Asiong Salonga Story), El Presidente (The Gen. Emilio Aguinaldo Story) at Boy Golden (The Arturo Porcuna Story). Palibhasa puro quality films kaya Graded A ng Cinema Evaluation Board ang mga pelikula ng award-winning actor/politician.
Labis na ikinatuwa ni Ms. Susan Roces ang binibigay ni ER na respeto ang pagpapahalaga sa kanyang yumaong asawa na si FPJ. Feeling nga ng veteran actress na ang actor/politician ang nagpapatuloy ng mga dating ginagawa ni ‘D King. Pagtulong sa mahihirap, pagbibigay ng trabaho sa maliliit na manggagawa sa movie industry at suporta sa kanyang mga kababayan sa Laguna. Bilang pasasalamat ng award-winning actress, pinarangalan niya si ER ng FPJ Memorial Award for Excellence in Film Making.
Nag-flashback nga si ER, ikinuwento nitong madalas silang mag-bonding ni FPJ tuwing nagsi-shooting ito sa Pagsanjan, Laguna. Marami raw silang mahahalagang bagay na napag-uusapan. Sobra raw ang pagmamahal ni ‘D King sa movie industry tulad ng kanyang tiyong Mayor Joseph Estrada. Binibigyang-halaga ang mga kapatid natin sa industry. Ipagpatuloy ang paggawa ng action film. Sa ngayon kasi iilang action star na lang ang gumagawa ng action film dahil sa laki ng budget nito.
Ang MM357 ay tribute ni ER sa kanyang Ninong FPJ at inaalay sa mga kapatid nating Muslim. Hindi gawang biro ang pagsasa-pelikula nito, kailangan pang mag-shooting sila sa Golden Mosque Compound sa Quiapo para lalong maging makatotohanan ang bawat eksena. Pumayag lang ang ating mga Muslim brothers dahil remake ito ng pelikula ng kanilang idolo si FPJ. All out ang support ni ER sa Muslim community, kaya ganu’n na lang pagpapahalaga nila sa actor/politician.
Buo ang paniniwala ni ER na magugustuhan ng manonood ang MM357 at susuportahan ito ng ating mga kapatid na Muslim tulad ng pagsuporta nila noon sa idol nilang si FPJ. Challenge ito para kay Jun Posadas na siyang director ng nasabing pelikula. Bale comebacking movie niya ito kaya kailangang mapantayan o malagpasan niya ang track record ni FPJ sa takilya.
Ayon kay Direk Jun, very modern ang approach, maaksiyon ang bawat eksena. Para nga raw sina Tom Cruise (Mission Impossible) at Matt Damon (Bourne Legacy) si ER sa MM357. Nag-shooting pa sila sa Tawi-Tawi, the oldest mosque in the Philippines. Four hundred years na itong nakatayo du’n. Pati pala sa Marawi, Jolo at Cotobato mosque nag-shoot ang mga cast. Ipapakita nila sa pelikula ang kagandahan ng mosque dito sa ‘Pinas pati na rin ang customs and traditions ng mga Muslim. Nag-research pa ang production staff para rito para maging artistic ang mga eksena.
Hindi na matatawaran ang galing ni ER sa pag-arte, mapa-aksiyon o drama. Pinatunayan niya ito sa mga pelikulang nagawa. Walong Best Actor trophies ang kanyang natanggap sa iba’t ibang award-giving bodies. This time, isang Muslim undercover ang character na ipo-portray ni ER sa MM357. Ipakikita sa pelikula ang tapang at pakikipaglaban ng mga Muslim. Nag-aral pa pala ng salitang Muslim at dasal si ER sa loob ng Mosque. Sinabi pa niyang may mga kinonsulta silang mga kaibigan mula sa Muslim Affairs at mga community head officials para lumabas na makatotohanan ang mga eksena. Nangako naman ang mga ito na all out support ang ibibigay nila sa MM357.
Mahalagang papel naman ng ginagampanan ni Jerico Ejercito, anak ni Er, sa pelikula bilang batang pulis sa MM357. Nayon pa lang, kinakitaan ng galing sa mga action scene. Naniniwala si Direk Jun na malaki ang potential nitong maging action prince ng local cinema.
Hindi nga nahirapan si Direk Jun na idirek si Jerico, maliksi kung kumilos at mahusay humawak ng baril. Madaling nagagawa nito ang mga action scene na ibinibigay sa kanya. Bukod sa guwapo, matalino at mahusay makisama, may kakaibang karisma pa ang binatang ito sa mga fans. Anong panama ng ibang young actors na wala naman karapatang maging artista kung ikukumpara kay Jerico.
Pangarap ni Jerico na maging action star tulad ng kanyang ama. Kailangan lang munang makatapos siya ng pag-aaral bago siya mag-concentrate sa pag-aartista. Pag-aaral muna ang priority ng young actor, secondary na lang ang showbiz career. Well, abangan na lang natin si Jerico sa MM357. Nasa cast rin sina Roi Vonzon, John Regala, Baron Geisier, King Gutierrez, Victor Basa, Levi Ignacio, Amay Bisaya at Sam Pinto under Scenema Concept International at Viva Films.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield