IN EIGHT YEARS sa showbiz ay nasungkit na rin ni Jerome Ponce ang kanyang kauna-unahang acting award. Kapapanalo lang ni Jerome ng Best Drama Actor sa katatapos lang na PMPC Star Awards for Television para sa teleseryeng The Good Son ng ABS-CBN.
“Iba pala yung feeling na umaakyat ka ng stage tapos tumatanggap ka ng acting trophy. Para kang lumulutang sa hangin, unexplainable, hindi ko alam yung pakiramdam,” bulalas ng magaling na aktor.
“Sobrang laki ng pasasalamat ko sa kanila, sa mga kasamahan ko sa The Good Son at sa direktor ko. Nagbunga yung mga pagalit nila sa akin kasi gusto lang nila na maging maayos talaga yung trabaho ko. I’m very grateful, salamat sa kanila,” patuloy niyang pahayag.
Ginunita rin ni Jerome ang kanyang pinagmulan bago siya naging isang award-winning actor. Sa kanyang acceptance speech ay personal din niya kaming pinasalamatan.
Aniya, “Siyempre, sobra ang pasasalamat ko sa ‘yo Kuya Leo. Ikaw ang mentor ko, discoverer at dati kong talent manager. Na-discover mo ako na naglalaro lang sa isang computer shop sa Sta. Mesa at nakitaan mo ako ng potensyal. Hindi ko naman yon nakakalimutan hanggang ngayon. Malaking bahagi ka ng kung anuman ang naa-achieve ko ngayon.”
Ayon pa sa award-winning actor, magsisilbing inspirasyon ang kauna-unahan niyang acting award para lalo pang pagbutihin ang kanyang trabaho bilang actor.
“Mas inspired ako ngayon kasi na-recognize ang acting ko. Yung motivation ko to work harder mas tumaas, kumbaga,” reaksyon pa ni Jerome.
Samantala, napapanood si Jerome sa Wansapanataym Maniken ni Monika ng ABS-CBN. Mapapanood din siya sa 2018 MMFF entry na Otlum kasama si Ricci Rivero.
La Boka
by Leo Bukas