HINDI KAILA SA marami ang malaking importansiya ng Eat… Bulaga! sa career ng komedyanteng si Jimmy Santos. Ang longest-running noontime show ang naging daan upang makilala nang husto si Jimmy bilang comedian at bilang host na rin.
Jimmy reinvented himself through Eat… Bulaga!. Ang dating basketball player na naging character actor ay isa nang sikat na komedyante ngayon. Ang kanyang ‘carabao English’ ang talagang nagpatanyag sa kanya noon at magpahanggang ngayon.
Paano nga ba nagsimula si Jimmy sa Eat… Bulaga!?
“Through Tito, Vic and Joey, naging member ako ng Eat… Bulaga! basketball team. Nag-eensayo kami, M-W-F. Siyempre, kasama na ‘yong biruan. Una nila akong nakasama bago ang Eat… Bulaga! ay sa Iskul Bukol. Hanggang sa naging pinchitter ako sa ‘Bulaga’ noong 1983 kapag may ‘Bulagaan.’ Nasa channel 9 noon ang EB hanggang sa naglipat. Nang tumakbong senador si Tito noong 1986, naging regular na ako,” kuwento ni Tito Jimmy sa akin sa dressing room ng EB.
Sa tinagal ng show, may ilang insidenteng hindi malilimot si Jimmy.
“Noong naglilipat kami, tumatakbo kami. Naroon ‘yong tumatakbo kami papuntang Araneta. Doon ko nakita ‘yong karamihan ng tao, punum-puno ang Araneta. Naisama na nila ako sa abroad, sa San Francisco.
“At noong si Tito, magse-senador at aalis na sa Eat… Bulaga!, hagulgulan talaga. Hindi nga namin natapos ‘yong kanta. ‘Yon ang ang pinaka-ano…”
Utang na loob ni Jimmy sa show ang lahat halos ng blessings na tinatamasa niya ngayon.
“Unang-una, sa kabuhayan. Dito ako nadiskubre, malaking bagay iyon. Na-discover ako ng Viva. Kung hindi sa Eat Bulaga, hindi ka mapapansin. Kasalukuyan akong character actor noon. Nakasama ako nina TV, Vic and Joey sa Starzan. Naglaro ako sa PBA team, sa 7-Up, one conference lang. Noong una, naglaro ako sa JRC.”
According to Jimmy, lahat ng kasama niya sa show ay close sa kanya. This means, hindi lang sina Tito, Vic and Joey ang malapit sa kanya.
Sa paningin ng komedyante, maraming achievements ang Eat… Bulaga! sa loob ng thirty years nitong pamamayagpag sa ere.
“Nakita ko ang natutulungan ng Eat… Bulaga!, may nagiging milyonaryo. Lalo na ngayon, may foundation na sila, nagpapaaral sila. Nakakatuwa kasi, unang-una may mga naging Little Miss Philippines, ‘yong mga Birit baby. Maraming nanggaling sa EB na ngayon namamayagpag.”
Ina-acknowledge ni Jimmy na na-reinvent siya ng EB.
“Oo naman. Without EB, nasaan tayo? Hindi tayo mabibigyan ng chance na ganito. Ang ‘Bulaga’ kasi, walang ano. Basta, considered kapamilya ka. Basta i-appreciate mo lang ‘yong ginagawa nila. Ganoon silang magbigay ng halaga, ng importansiya.”
Ang brand of comedy nga niya ay na-hone niya nang husto mula nang mapasali siya sa EB. “Malaking tulong ‘yon (EB), plus ‘yong pini-pitch mo. Alam mo naman sa isang tinimplang bagay, kung tama ang timpla, maganda. May matabang, kaya kailangan ay ayos na ayos.”
Nagki-click ang EB sa televiewers dahil hindi ito stagnant.
“Ang EB bago nang bago. Mga bagong pakulo para sa audience. Pag nag-isip ang Bulaga, una sa mga audience. Hindi nila inaalis ‘yon. Parang balik lang ng EB ‘yan sa mga nanonood. Kaya hindi sila tumitigil sa pagbibigay ng magandang portions na pakikinabangan ng mga audience.”
Kilala ang Eat… Bulaga sa batuhan ng mga biro. Sabi ni Jimmy, walang instance na napikon siya sa mga biro sa kanya. “Pagpasok mo sa ganyan, kailangang naka-ready ka. Wala namang below-the-belt dito. Ibang usapan na ‘yon. Siyempre, may mga writers kami. Kapag ‘di angkop sa sitwasyon, binabago namin.”
After thirty years, saan patungo ang Eat… Bulaga!?
“Maraming plano ang EB lalo na si Joey. Sabi nga ni Joey, hangga’t may bata, may Eat… Bulaga!. Eh, hindi naman mauubos ang mga bata kaya hindi matatapos ang Eat… Bulaga!”
Sina Tito, Vic and Joey ang nagbigay ng napakalaking break kay Jimmy. Needless to say, napaka-grateful niya sa tatlong komedyanteng nagdala sa kanya ng ibayong tagumpay sa kanyang career.
“Sila ang mga taong hindi selfish sa mga talent. ‘yung iba kasi, ‘pag alam nilang masasapawan ka, medyo pinupuwera ka, eh. Sila hindi, pinababayaan ka nila. Ilabas mo ‘yong nalalaman mo. ‘Pag ‘yang tatlo, pinansin ka nila, kailangang mabilis ka lang. ‘Yon ang way ng pag-ano, training nila. Hindi sa behind, ha, sa ere. ‘Pag kasama mo sila sa ere, kailangang naka-ready ka kasi babato at babato ‘yan eh,” pagwawakas ni Jimmy.
By Alex Valentin Brosas