NAKARAANG LINGGO, tinawag ako ni dating Pangulong Erap sa kanyang Polk residence, Greenhills. Bukod sa aming dalawa, may apat pa siyang bisita sa isang napa-kasarap na pananghalian. Lengua, hipong suahe, kare-kare, pochero, litson at fresh lumpia. Super busog kami.
Kape muna tayo at may ikukuwento ako sa ‘yo. Pakalabit na wika ni Erap. Alam mo si Sen. Jinggoy talagang super idol ako niyan. Lahat ng yapak ko kanyang sinusundan. Nag-mayor ako, nag-mayor din siya. Nag-artista ako, nag-artista rin siya. Nag-bigote ako, nag-bigote rin siya. Nag-senador ako, nag-senador din siya. Payo ko sa kanya, sundan na lamang niya ang pagka-bise-presidente ko. ‘Wag na siyang mag-aspire na maging pangulo. Baka makulong pa siya.
Sumakit ang aking tiyan sa katatawa. Ganyan ang unique humor ni Erap. Unbeatable sense of humor. ‘Yang katangiang ‘yan ang naging dahilan ng kanyang pagi-ging isang survivor sa buhay. Alam ng lahat ang kanyang makulay at mahapding karanasan.
Balik tayo kay Jinggoy. Very conceded fact na si Sen. Jinggoy ay isa na sa pinakamaningning na lawmakers natin sa Senado. Bilang Speaker Pro-Tempore, siya ang number 2 man at napakabigat at sensitibo ang tungkuling ito. ‘Di maiaalis na nu’ng first few months niya sa Senado, nagkaroon siya ng performance jitters. Subali’t ‘di naglaon, pinatunayan niya ang kanyang kakayahan ‘di lamang sa paggawa ng batas kundi sa maraming naging matagumpay na imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan.
Ligid sa kaalaman ng marami, si Jinggoy ay tapos ng Law sa Lyceum of the Philippines. ‘Di siya nakakuha ng bar dahil sa dami ng gawain bilang mayor ng San Juan. Subalit nagtapos siya ng isang Management course sa Asian Institute of Management (AIM) at kamakailan ng isang World Leadership course sa Harvard University.
Very conscientious legislator si Jinggoy. Lagi siyang perfect attendance sa mga sessions for the past eight years. Marami siyang napanukalang batas para sa kapakanan ng mahihirap at naaapi. Siya ngayon ay concurrent chair ng labor committee.
Sabi ni Erap, ang senador daw ay tubo sa puhunan. Pinagmamalaki niya si Jinggoy. Subalit ano itong nababalita kong Binay-Jinggoy o Jinggoy-Binay tandem sa 2016? Ngumiti si Erap. Mahiwaga at nakakaintrigang ngiti.
SAMUT-SAMOT
SUSUNOD NA buwan, simula na ng pagkahilong-talilong ng mga pulitikong tatakbo sa Senado at local posts sa 2013. Sa Senado, napakasikip na para sa mga new aspirants. Palagay ko, dalawa o tatlong puwesto na lang ang paglalabanan. Sa mga comebacking senators, maaaring sure win si Richard Gordon at Jamby Madrigal dahil sa kanilang name recall.
SA SUSUNOD na linggo, magdaraos ng Christmas reunion ang Unilab retirees sa Unilab Gym. Taun-taon, nababawasan ang dumadalo rito. Ang iba, dahil sa may sakit at karamihan ay mga tinawag na ng Panginoon. Sa unang pagkakataon, binabalak kong dumalo sa piging na ito upang makasalamuha muli ang mga dati kong kaibigan at kasamahan. Lagi akong bantulot sa pagdalo sa mga reunions. Bittersweet.
NAKAKABAGOT. MAHIGIT nang 500 days nanungkulan si P-Noy. Ngunit wala pa tayong nababanaag na pupuntahan. Abalang-abala siya sa foreign travels at conferences on international issues. Bakit ganyan? Unahin muna niya ang malubhang suliranin ng bansa bago ang problema ng mundo. Magkakaroon ba ng fried chicken ang hapag ng mahihirap kung lagi niyang kausap si Pres. Obama at iba pang world leaders? Kelan niya ila-latag ang programa sa pagkawala ng trabaho ng OFWs, kakulangan sa ospital at eskuwelahan, infrastructure, at iba pang pressing concerns? Walang pagsisisi sa una.
LATELY, LAGING humahapdi ang aking tiyan. Ayon sa doktor, puno ng hangin o gas at acid. Binigyan ako ng mga gamot gaya ng Desfatyl, Nexium at Motilium. Humuhupa na subali’t paminsan-minsa’y bumabalik. Sabi pa ng isang doktor, ang sakit ay stress-related at pagpapalipas ng gutom. Ay, ngayon ako nagbabayad ng kapabayaan sa aking kalusugan. Lahat ng pagsisisi sa huli.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez