KUMPIRMADONG ENDORSER NA ng Belo Medical Group si Jinkee Pacquiao. Sa susunod na linggo, makikita na natin ang mga naglalakihang billboard na nagtatampok sa misis ng Pambansang Kamao bilang modelo ng medical clinic ng kontrobersiyal na si Dra. Vicki Belo.
Sa pagkakaalam namin, sa Amerika naluto ang transaksiyon sa pagitan nina Jinkee at Dra. Belo. Du’n sila nagkita at nagkausap, inalok ng doktora ang misis ni Manny Pacquiao, nagkasundo sila.
Hindi naman kataka-taka kung maging tagapag-endorso man ng isang klinikang tulad ng Belo Medical Group si Jinkee. Maganda ang misis ni Pacman, makinis pa, at kahit apat na ang kanyang anak, kita pa rin ang magandang kurbada ng kanyang katawan.
At idagdag na rin natin siyempre na malaking bagay ang pagiging misis niya kay Pacman. Makapanghihila siya sa mga kliyente dahil sikat na rin siya na tulad ng kanyang kampeong asawa.
Natutuwa kami dahil lumabas na sa kanyang lungga si Jinkee. Mahiyain kasi ang asawa ni Manny, kaya maraming nag-aakalang suplada siya. Gustuhin man niyang makipagkuwentuhan sa mga taong nakakasalamuha niya, dinadaig siya ng hiya, parang nag-aalangan siya, malakas ang inferiority complex ni Jinkee.
Pero kapag sukat na niya ang tao, masarap siyang kausap, madaldal siya. Mailap lang siya sa mga taong noon pa lang niya nakita dahil parang naiilang pa siya.
Balita nami’y noon pa interesado kay Jinkee ang isang doktor na kaliga rin ni Dra. Belo. Pero sorry na lang, mabilis kumilos at magdesisyon si Dra. Vicki, kaya ito ang nakauna kay Jinkee Pacquiao.
SA HALOS LAHAT ng puntahan namin, paboritong paksa si Nanay Dionesia Pacquiao. Karakter naman kasi talaga ang dakilang ina ni Pacman, may sarili siyang tatak, ang pagiging bibo na ang kinauuwian ay ang pagiging komedyante niya.
Saludo kami kay Nanay Dionesia dahil sa lakas at tapang ng loob niyang pinairal nu’ng mag-isa lang niyang arugain at palakihin ang kanyang mga anak.
Sabi nga ni Manny, “Maraming salamat sa buhay na ibinigay n’yo sa akin, kung wala kayo, wala rin ako ngayon sa mundo. At salamat sa katapangan ng loob na ipinamana n’yo sa akin,” pagbati ni Pacman sa kanyang ina nu’ng nakaraang Biyernes nang gabi sa selebrasyon ng ika-60 taong kaarawan ni Nanay Dionesia.
Ang akala ng marami, biro lang ang kuwento kung bakit dinala ni Nanay Dionesia ang kanyang mga imahen sa Amerika. May katotohanan pala ‘yun, isang malapit sa kanya ang nagkuwento na sadya niyang dinala ang kanyang mga imahen sa bahay nila sa GenSan, dahil baka raw kapag nagdasal siya, hindi siya maintindihan ng mga santo sa Amerika dahil Bisaya ang kanyang dasal.
Pero birong-totoo siguro ‘yun ni Nanay Dionesia, ganu’n naman siya palagi, iniiniksiyunan niya ng komedya ang lahat ng mga sinasabi niya.
Parang si Pacman din. Titingnan natin ito sa gitna ng lona na mabangis na mabangis at nagpapatumba ng kanyang mga kalaban, pero sa personal ay komedyante rin si Manny.
Malakas ang kanyang sense of humor, minana nito ‘yun sa kanyang inang komedyana, kaya parang ang gaan-gaan ng buhay ni Nanay Dionesia sa kabila ng mga pagsubok na naengkuwentro niya.
Gusto siyang makita nang personal ng mga kaibigan namin. Totoong-totoo ang kanyang sinabi na maramin na rin siyang tagahanga, isang malaking katotohanan ‘yun.
“Saka wala siyang kayabang-yabang kahit pa ganu’n na kasikat ang anak niya. ‘Di ba, kadalasan, e, ang nanay pa nga ng sikat na personality ang nauunang yumabang? Du’n siya kakaiba, humble pa rin siya hanggang ngayon,” komento pa ng aming mga kaibigang tagahanga ni Nanay Dionesia.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin