WATCH KAMI ng advance screening ng All Of Me ng ABS-CBN, ang romantic drama fantaserye na magsisimula ngayong Lunes, Agosto 31. Ito ang major TV comeback ni JM de Guzman matapos ang kanyang breakthrough film na That Thing Called Tadhana. Hindi nakaiinip panoorin dahil maganda ang takbo ng istorya at mahuhusay ang mga artistang nagsisiganap. Parang pelikula ang dating sa amin, mula sa production design, cinematogpraphy, visual effects, at taping location, winner sa viewing public.
Sa opening ng serye, kapansin-pansin ang galing umarte ng batang si JM. Mabait na bata, masipag, matalino, at mapagmahal sa inang si Angel Aquino ang character na ginagampanan nito. Pinaiyak niya kami sa madramang eksena nito nang maaksidente ang ina at isinugod sa private hospital para mabigyan ng lunas. Habang agaw-buhay ang ina, ganu’n na lang ang pakiusap at pagmamakaawa ng batang si JM sa reception para ma-admit ang nanay niya at magawan agad ng lunas ng mga doktor. Mahirap lang sila, walang perang pang-deposit kaya itinataboy ang young JM ng nurse na lumipat na lang sa public hospital.
Galit na nag-dialogue ang batang JM with conviction at punung-puno ng emosyon habang umiiyak. Ramdam na ramdam ng manonood ang bigat sa dibdib na dala-dala ng bata. After that dramatic scene niya, palakpakan ang mga taong nasa loob ng sinehan. Ang galing naman talaga, pati nga kami nadala sa eksena at napaiyak sa husay umarte ng young JM.
Maging ang PBB housemate na si Yen Santos na leading lady nina JM at Albert Martinez, napakagaling umakting kahit baguhan pa lang ito. Biggest break niya ang All Of Me, kaya ibinigay niya ang best sa bawat eksena. Hindi raw lahat ng artista nabibigyan ng ganitong klaseng break kaya ginawa lang niya ang hinihingi ng character na pino-portray nito as Lena. Very supportive sa kanya sina JM at Albert, inaalalayan siya ng mga ito sa mga dramatic scene nilang tatlo. “Napaka-propesyonal po nila at napakahusay na actor kaya nagagawa ko nang tama ‘yung mga eksena namin. Maging ang director namin, si Dondon Santos ay very supportive po sa akin. Inaral kong mabuti ang character ni Lena para mabigyan ko po ng justice ‘yung role ko,” sambit ng dalaga.
May ilang factor ba si Yen sa mga sexy scene nila ni Albert? “Medyo lang kasi po nahihiya ako. Pero pinag-usapan naman po namin nina Albert at Direk Dondon bago kinunan ang scene. Hinayaan po muna nila akong ma-relax bago kinunan ang scene. After the take po nagtatawanan lang kami. Napaka-professional po ni Albert, palagi niya akong tinatanong kung okay ako. Sobrang happy po ako sa kinalabasan ng soap namin,” tugon ni Yen.
Maraming kilig factor sa seryeng All of Me sina Yen at Albert. Cute naman, natural, parang hindi sila umaarte sa harap ng camera. Siyempre, as an actor, wala nang dapat pang patunayan si Albert. Nag-enjoy naman siya katrabaho ang baguhang young actress na si Yen. May potential raw itong maging magaling na actress. Oo naman, kita agad sa first major soap niya. Hindi OA ang acting, tama lang sa character na ginagampanan ni Yen.
Siyempre, hindi matatawaran ang performance ni Angel Aquino kahit maikli lang ang role nito as the mother of JM. Maging si Ina Raymundo ay mahusay rin bilang asawa ni Albert na may sakit na cancer at namatay agad.
Taos-puso naman ang pasasalamat ni JM sa ABS-CBN sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya sa bago nitong serye. Nabigyan kasi ng pangalawang pagkakataon ang binata ng Kapamilya Network na makabalik ulit ito sa showbiz. This time, focus muna sa pagiging actor/singer si JM. Marami siyang na-realize nu’ng time na nawala siya sa showbiz circle. Sa bawat bagyo raw na dumaan sa kanyang buhay, marami siyang natutunan.
Kahit maraming trial ang pinagdaanan ni JM, nand’yan ang kanyang pamilya na hindi siya pinabayaan hanggang makabangon at makapagsimula muli ng panibagong buhay. This time, hindi na raw niya sasayangin ang pagkakataon ibinigay sa kanya ng mga taong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya, una sa lahat ang Panginoon. Well, marami kasi ang naniniwala sa kakayanan ni JM as an actor/singer at mararating nito ang kanyang mga pangarap. Congrats sa bumubuo ng All Of Me.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield