MAHIRAP ANG MANGALAP ng blind item. Pero sa iba, madali. Kasi, kaya nilang mag-imbento. Kami, hindi. ‘Yung iba rin, ang ginagawa, dahil obligadong mag-blind item, ‘yung dating blind item, ibinabalik at ina-update lang.
Pero sa amin, mahirap ang mag-imbento. Kaya nga kung minsan, ‘pag wala talaga kaming nasagap, hindi na kami nagpipilit pang gumawa ng blind item. Walang kalaban-laban ang artista ‘pag inimbentuhan siya ng blind item, lalo na kung tukoy na tukoy na siya nga ang pinag-uusapan.
Kung minsan, nagtatanung-tanong kami sa mga kakilala. Katulad nu’ng isang araw, sabi ng isang reporter na bading na hinihingian namin ng blind item, “Nako, alam mo ba, sa set ng isang once a week program, tinalak-talakan ni Direk si _____ (isang sikat na young actress).
“Sabi ni Direk, ‘Anong klase kang artista, hindi ka marunong umarte? Hindi ka marunong umiyak?’ Nasaktan siya sa narinig kay direk, ayun, saka pa lang siya umiyak!”
Sabi namin sa kaibigan naming reporter, “Nako, eh bahagi lang ng motivation ‘yon para makaiyak ang artista. Normal nang ginagawa ng direktor ‘yon. Pinaririnig nila ang masasakit na salita para ‘pag nag-start nang umiyak, sisigaw na ang direktor ng, ‘O, ready, lights, camera… action!”
Na-realize namin nu’ng sandaling ‘yon na kung ang mga reporter sana ay nag-aartista rin, baka mas maintindihan nila ang mga pinagdadaanan ng mga artista para hindi sulat nang sulat ang karamihan ng kanilang opinyon o husga sa mga artista.
Try nilang mag-artista rin. Para maranasan nilang mapuyat, mapagod, ma-drain. Para meron din silang mai-share sa kanilang mga sinusulatan.
GOOD NEWS: NAKAKAALIW ang Kanto Boys versus Kanto Girls sa ASAP Rocks kahapon, kaya ayun, nag-trending ito sa Twitter.
Bad news: Kahapon din ang 28th death anniversary ni namayapang Senador Benigno Aquino, Jr. As of this writing, ang Kanto Boys ay nag-trending, pero si Ninoy, hindi pa.
ANG HUSAY NAMAN ng pagkakaganap ni JM De Guzman bilang si Marcelito Pomoy sa episode ng Maalaala Mo Kaya nu’ng Sabado.
Kahit pa ni-lipsynch lang niya ang kanta ni Pomoy, swak na swak naman, kaya maipagkakamali mo ring kanya ang boses. Ang galing niyang mag-lipsynch.
Kaya nga napatili kami sa Twitter at nasabi naming, “Mahal na kita, JM!” dahil ang husay niya.
Although kahit habang ipinapalabas ang MMK ay pilit pa rin nang pilit ang mga “followers” ko na sana raw ay kami na ang gumanap, dahil kamukhang-kamukha raw namin si Pomoy.
Sabi nga namin, “Kung si Marcelito ay bading, baka ako ang kunin!”
KAGABI RIN AY nagkaroon ng parang fund-raising campaign para kay Joseph Bitangcol, dahil nangangailangan ng more than 200k para malagyan ng titanium ang kanyang mukha para hindi ito ma-deform.
Nauna rito ay nasangkot sa isang vehicular accident ang sasakyang lulan si Joseph at ang mga barkada nito at napuruhan ang mukha ni Joseph na ang balita pa’y pati ang dalawang ngipin ni Joseph sa harap ay nabali sa tindi ng impact.
Natutuwa kami, dahil sa mga ganitong trahedya o aksidente, nagkakaisa-isa ang mga taga-industriya, lalo na’t isang mabait na bata ang involved.
God bless you, Joseph. ‘Wag kang panghinaan ng loob. Nandiyan ang mga kaibigan mo para siyang magdugtong ng buhay at pangarap mo. Basta pray lang nang pray.
Oh My G!
by Ogie Diaz