MAY PRE-VALENTINE treat ang Star Cinema, ang That Thing Called Tadhana na pinagbibidahan nina Angelica Panganiban at JM De Guzman. Ang nasabing pelikula ay official entry sa nakaraang 10th Cinema One Originals Film Festival, kung saan lubos itong pinuri ng mga kritiko. Ito’y isang romantic comedy na nilagyan ng Pinoy na Pinoy na flavor.
Sa nalalapit na araw ng mga puso, sinabi ni JM na wala siyang special someone na makaka-date niya. Okay lang daw dahil busy naman siya. Naka-focus ngayon sa kanyang singing at acting career ang binata. Nagpapasalamat nga si JM sa mga tao na hanggang ngayon ay patuloy na sumusuporta sa kanya. Masasabing second break na nga niya ito para pagbutihan ang trabaho. Hindi raw lahat nabibigyan ng ganitong chances. So, dapat daw mahalin at pahalagahan ang mga taong nand’yan at hindi siya iniwan sa laban ng buhay.
Hindi naman itinanggi ni JM na nagdaan siya sa matinding pagsubok kaya pangsamantala siyang nawala sa shwobiz. It’s a journey in his life para mag-mature at maging bukas sa mga trial na darating. Pero this time, going straight na raw siya at bibigyang-halaga ang kanyang propesyon as an actor/singer. Sa mga pagkakamali niya in the past, marami siyang natutunan. Mas lumawak daw ang pananaw niya sa buhay.
Kailangan ni JM na maging matatag para sa sarili at sa kanyang pamilya na hindi siya iniwan nu’ng time na kailangan niya ang mga ito. Nand’yan sila para damayan ang binata at ituro ang tamang daan para sa isang magandang kinabukasan. Maging si Mr. Johnny Manahan ng Star Magic, hindi rin siya pinabayaan, kaya nga nakabalik ito sa showbiz.
Sa pagiging active ngayon ni JM sa showbiz, mas lalo yata siyang sumikat bilang actor/singer. Kaliwa’t kanan ngayon ang gig niya at tuluy-tuloy ang projects nito sa ABS-CBN. Palibhasa magaling na actor/singer kaya malaki ang paghanga sa kanya ni Direk Antoinette Jadaone na siya ring sumulat ng That Thing Called Tadhana at ng blockbuster na pelikulang Beauty In A Bottle at Relaks, It’s Just Pag-ibig. Bilib si Direk sa acting prowess ni JM kaya hindi siya nahirapang idirek ang actor. “May chemistry ang tandem nina JM at Angelica, parehong magaling sa comedy. May timing ang kanilang pagpapatawa, hindi sila nagpapatawa, nakakatawa sila.”
Nu’ng first week of shooting nina Direk Antoinette, Angelica at JM, medyo nakakahiyaan pa raw ang dalawa. Si Angel ang gumawa ng first move para ma-relax ang binata sa mga eksena nilang kukunan. Naging madali para sa actor na ibigay ang best niya nang mag-bonding na silang tatlo. Sobrang nag-enjoy si JM habang ginagawa nila ang movie. Para nga raw silang magbabarkada habang nagsi-shooting lalo na sa Europe. Wala nga raw kaarte-arte si Angel, go lang ito nang go, ayon sa actor/singer.
Parehong sawi sa pag-ibig ang ginagampanan nina JM (Anthony) at Angelica (Mace) na magkikita sa airport sa Europe. Magiging magkaibigan at magkasamang maglalakbay sa Maynila at Baguio. Unti-unti nilang mararamdamang nagkakaroon na sila ng feeling sa isa’t isa.
Sa kaso ni JM, naka-move-on na siya nu’ng maghiwalay sila ng ex-girlfriend niyang si Jessy Mendiola. Tapos na raw ang chapter na ‘yun, huwag na raw nating balikan. May kanya-kanya na silang buhay na tinatahak. Kahit walang closure ang paghihiwalay nina JM at Jessy, wala siyang regrets na naging bahagi ng buhay niya ang actress na minsan niyang minahal.
Sabi nga ni Direk Antoinette, may tamang timpla ng romansa at komedi ang That Thing Called Tadhana na makare-relate ang mga manonood na na-in love at nasawi sa pag-ibig. Lahat naman tayo dumaan sa ganitong sitwasyon lalo na kung love ang pag-uusapan. Lahat tayo nagmahal, nasawi at muling umibig. Kung minsan nga hindi natin alam kung tama ba ‘yung taong bibigyan natin ng tunay na pagmamahal. Mag-iisip ka, tatanungin mo ang sarili kung tadhana nga ba ang nagtakda para siya’y mahalin?
As an actress, kailan lang ginawaran si Angelica bilang Best Actress ng GAWAD Tanglaw. Iniuwi rin niya ang tropeo bilang Best Actress sa 2014 Cinema One Originals Film Festival. Hindi na matatawaran ang galing ng dalaga sa aktingan, mapa-drama o komedi.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield